PABONGGAHAN
ni Glen P. Sibongga
TUWANG-TUWANG napasigaw at napapalakpak si Asia’s Songbird Regine Velasquez-Alcasid sa laki ng donasyong ibinigay ng kaibigan niyang si Vice Ganda at boyfriend nitong si Ion Perez para sa mga biktima ng Bagyong Odette na beneficiary ng By Request: A Benefit Concert ng ABS-CBN.
Si Regine ang tampok na OPM artist noong January 9, sa unang gabi ng naturang 10-night ABS-CBN virtual benefit concert series na tatakbo hanggang January 18. Inawit ni Regine ang requests ng mga manonood lalo na ‘yung mga nag-pledge ng donations sa kanyang isinagawang two-hour performance na streamed live sa ABS-CBN’s official channels sa YouTube, Facebook, at Kumu.
Sa tsikahan portion ni Regine at ng online concert host na si Darla Sauler, nabanggit ng huli na nanonood si Vice Ganda at nag-request ng kantang Follow The Sun para awitin ng Songbird. Nagbiro naman si Regine na dapat mag-donate si Vice ng P100,000.
Matapos ang ilang sandali, ikinagulat at ikinatuwa ni Regine ang ibinalita ni Darla na magdo-donate ng P500,000 ang mag-partner na sina Vice at Ion.
“Bakla, may gusto ka pa bang kanta?” pabirong hirit ulit ni Regine kay Vice tapos ay tumawa.
Samantala, ang asawa ni Regine na si Ogie Alcasid ay featured artist nitong January 11, habang si Kyle Echarrinaman noong January 10. Itatampok din sa By Request sa mga susunod pang gabi sina Jed Madela, Yeng Constantino, Darren Espanto, Martin Nievera at iba pa.