YANIG
ni Bong Ramos
MASYADONG ng kinakabahan ang mga senior citizen at persons with disability (PWDs) sa MAYNILA dahil hindi pa nila nakukuha ang kanilang monthly allowance na ibinibigay quarterly.
Masyado na raw atrasado. Dapat daw ay naibigay na ito ng administrasyon ni dating Mayora Honey Lacuna bago natapos ang buwan ng Hunyo.
Hanggang sa kasalukuyan daw ay hindi pa rin malinaw o walang balita man lang gayong tapos na ang administrasyon ni Lacuna at si Yorme Isko na ang nakaupo.
Kinakabahan daw sila bunga ng iniwanang utang ng dating Alkalde na umabot sa P950 million sa dalawang waste management companies na terminated na pala ang kontrata.
Dahil nga hindi na nakokolekta ang mga basura, inilagay na sa state of health emergency ni Yorme ang buong lungsod.
Ang hakbang ito ay para pangalagaan ang kalusugan ng mga Manilenyo laban sa mga gabundok na basura na nagkalat kung saan-saan.
Sinabi ng mga senior citizen hindi rin malayong mawala na o dili kaya’y nasunog na ng dating administrasyon ang pondo para sa kanila.
Kung iyon ngang para sa kapakanan ng buong lungsod ay ‘di natin malaman at walang explanation kung bakit na lang nawala at nagkautang pa tayo.
Mantakin mong dapat naibigay na sa mga senior citizen ang kanilang allowance bago pa man matapos ang termino ni dating Mayora Lacuna.
Ngayong bago na ang administrasyon, wala pa rin linaw at balita kung kailan ire-release ang allowance. Iyan ay kung may laman pa ang kaban ng lungsod.
Ayon sa mga senior citizen, ang perang ito ang inaasahan nila para sa kanilang maintenance meds, bigas, at pambayad ng bayarin.
Ipinapalagay nila na halos lahat ng pondo ay nagamit ng dating administrasyon sa kampanya at eleksiyon, hindi daw malayong mangyari ito.
Mantakin mong pamigay dito pamigay doon ng pera, may kasama pang bigas at kung ano-anong pang-uto sa mga tao.
Ang pinakamabigat umano ang ang mga ipinamigay sa mga chairman na sinasabing aabot sa P50,000-P100,000 bawat isa. Hindi pa raw kasama rito ang mga kagawad at tanod.
Puwera pa rin dito ang ginastos papuntang Boracay para daw sa team-building, free airfare, board and lodging, at may pocket money pa raw pag uwi, iyan ang galante sa pera ng iba.
Ang masakit dito, si Mayora pa ang lumakad na mag-increase ang allowance ng mga senior citizen mula P500 na ngayon ay P1,000 na.
Mahirap daw magsalita nang tapos kung kaya’t umaasa pa rin daw sila na maaaring naantala lang at nasa mabuting-kamay pa ang kanilang allowance.
‘Pag dumating sa sukdulan at wala na talagang remedyo, nandiyan lang ang ating butihing Yorme Isko para abonohan o kaya’y gawan ng paraan ang problemang ito ng mga tatay, nanay, lolo at mga Lola.
Kung noon ngang panahon ng pandemya ay hindi nagutom ang mga Manilenyo, ngayon pang mga senior citizen lang ang problema… sisiw na sisiw lang ‘yan kay Yorme.
He he he…