MATABIL
ni John Fontanilla
IBINAHAGI ng multi-awarded actress at film producer Sylvia Sanchez kung paano nabuo ang collaboration nila ng international film producer na si Alemberg Ang.
“First year ko sa Cannes, nag-o-observe ako as producer dahil gusto ko matuto. Na-meet ko siya (Alemberg Ang), itinuturo siya ng mga Pinoy, ‘‘yan si Alemberg, producer matagal na nagpo-produce, maraming alam ‘yan dito.’ So noong nandoon ako on my first year nilapitan ko siya. Wala lang sinabi ko sa kanya, ‘hi Allen kung mayroon kang movie for Cannes sali ako co-prod tayo, mag-coprod ako tapos doon na nag-umpisa,” pagbabahagi ni Sylvia nang makahuntahan namin sa Solaire North Edsa.
Dagdag pa ng premyadong aktres, “Actually nakatatawa nga kasi noong nagsabi ako sa kanya tinapunan ako ng isang poker face, na parang ‘ah sige okey, okey,’ ganoon lang siya nakapako ‘yung smile niya.
“So ako naman wala naman akong pakialam sa mga ganoon. Pero mayroon akong naririnig na si Alem okey ‘yan magaling na producer, pero suplado ‘yan.
“So siyempre kahit naman artista ako hIndi rin basta naniniwala sa mga sinasabi, basta lumapit ako sa kanya. ‘Kunin mo ako ‘pag kailangan mo ng co-producer,’ ‘yun lang.
“Then the following year 2022 nagkita kami ulit nandoon siya mabait siya. Sinabi ko sa kanya na, ‘hoy okey pa rin ako sa gusto kong makipag-collab ha.’ Then sabi niya ‘ayan na nga, tama ‘yung natanggap kong reaction na natanggap sa kanya.’ Ay mayroong ‘ano to, totoo nga supladito ito na binigyan niya na ako, na okey, at least ako naman wala akong pakialam kahit supladuhan mo ako. Kahit sinong suplado mas natsa- challenge ako sa ganoon, hindi ako takot sa ganoon.
“Kasi mayroon pa bang susuplado sa asawa ko (Art Atayde), kasi araw-araw kong kasama so ‘di ba, so roon na siya naniwala,” pagkukuwento pa ni Sylvia ukol sa first meeting nila ni Alemberg.
Tugon naman ni Alemberg, “Kasi parang andami na kasing lumapit sa akin before. Tapos parang ‘yung unang introduce pa niya (Sylvia), sinabi niya sa akin, kung may pelikula kang magka-Cannes…ganoon kadali? Eh hindi naman siya ganoon kadali.
“Tapos ako ilang taon na akong nag-i indie, hirap na hirap din ako tapos ganoon ang tanong. I think that year kasi was the year I have Plus 75 sa Cannes. So noong nakita ko siya ulit, ‘ah parang seryoso, nandito siya ulit hindi siya ‘yung pumunta lang ng isang beses.”
Sundot muli ni Sylvia, “Base kasi ‘yung reaksiyon niya sa mga na-meet niya na ia-approach siya, maraming hao siao.
“Hindi ganoon siya, parang anong ginagawa nito rito? Wala naman itong pelikula. Kasi ‘di ba ang normal sa atin na kapag ang isang artista na Pinoy na nasa Cannes mayroon siyang entry, eh ako keber gusto ko roon, gusto ko maging producer hindi niya alam.”
Nakita raw ni Alem na idinistribute ni Sylvia (Nathan Studios) ang mga pelikulang Monsters na isang Japanese Film na winner ng Cannes at ipinalabas sa Pilipinas at Topakk kaya naman sineryoso niya ang actress/producer at doon na nagsimula ang kanilang collaboration via Renoir na naging nominado sa Cannes Film Festival 2025 main category.
Memorable para kay Sylvia ang pagrampa sa red carpet ng Cannes Film Festival 2025 dahil sa maraming Hollywood celebrities na nakita na kasabay naglakad.
Kuwento pa ni Sylvia, may mga invitation na sila para sa iba pang international festivals, at ipalalabas ang Renoir sa Japan, France, Pilipinas at sa iba pang bansa.