Friday , October 11 2024

VP Leni mas may sariwang mandato kaysa mga nagpaparinig na tatakbong VP

MAY mga nagtatanong kung bakit hiwalay daw tayong bumoboto ng taong uupo bilang Pangulo at Pangalawang Pangulo.

Kung iisipin nga naman, pipili ka ng bise presidente na siguradong magtutuloy ng anumang sinimulan ng kaniyang presidente.

Ito ang prinsipyo sa likod ng tandem voting sa Amerika — kung mamatay o mag-resign ang isang democratic president, natural lang na isang democratic VP rin ang papalit at magtutuloy ng mga polisiyang sinusulong niya.

Malayo ito sa politika ng Filipinas — sa katunayan, maraming beses na nating nakita na tumaliwas ang VP sa mga polisiyang gustong ipatupad ng nakaupong pangulo.

Pero sa kabila ng kaguluhang dulot ng separate voting system na ito, may katuwiran rin kung bakit ito nabuo halos 100 taon na ang nakalilipas.

Noong 1935, bumuo ng isang constitutional convention para gumawa ng bagong charter para sa pausbong na Commonwealth. Nakabase ang charter na ito sa konstitusyon ng Amerika, na kailangang maghalal ng bise presidente.

Sa isip ng mga nagsusulat ng bagong konstitusyon, magandang oportunidad na ipasok ang isang bise presidente sa gabinete dahil unicameral pa ang National Assembly noon.

Nakita nila na dapat hiwalay ang paghalal ng pangulo at pangalawang pangulo para mabigyan ang bawat isa ng karagdagang mandato.

Ang ideya: kung may mangyari man sa pangulo, ang bise presidente, na siyang hahalili sa kaniya, ay may sariling mandato na independent o hiwalay sa chief executive.

Ibig sabihin, mas magagawa niya ang trabaho niya nang maayos at malaya siyang gawin ang kaniyang mandato.

Sa mahabang kasaysayan ng politika sa bansa, marami nang naging isyu ang separate voting system na ito sa pagitan ng dalawang pinakamataas na opisyal ng pamahalaan sa bansa.

Sa nakalipas na ilang taon, mula sa magkakaibang partido ang inihalal na pangulo at pangalawang pangulo, na minsan pinagmumulan ng matinding tunggalian.

Magandang halimbawa rito ang nangyari last week, at lalong naging malinaw ang halaga ng pagkakaroon ng hiwalay na mandato sa pagitan ng presidente at kaniyang VP.

Front page ang balita sa lahat ng diyaryo: Ayon sa Korte Suprema na tumatayong Presidential Electoral Tribunal, nanalo si Vice President Leni Robredo laban kay Bongbong Marcos. Ito ang unang beses na nagdesisyon ang PET sa isang kaso base sa mga merit nito, at hindi lang dahil moot na ang isyu.

Sa pagpapatunay ng kaniyang pagkapanalo, walang duda na si Leni Robredo ang may malinaw na mandato mula sa taongbayan na umupo bilang bise presidente hanggang matapos ang kaniyang termino sa 2022.

Ngayong nalutas na ang isyung ito sa pagka-bise presidente, ano ang ibig sabihin nito para sa hinaharap? Malaking advantage para sa susunod na halalan ang pagkakaroon ng mandato mula sa taongbayan.

Anim sa mga nahalal nating pangulo, naging bise muna bago maupo sa Palasyo. Malinaw na kapag nanalo ka bilang bise, mananalo ka rin bilang pangulo.

Sa rami ng kandidatong pagpipilian, ikaw ang iisang ibinoto ng taongbayan; hindi tulad ng pagboto ng mga senador na puwede kang bumoto ng higit sa isa. Dahil sa proklamasyon ng PET, pantay ang kinatatayuan ni Leni Robredo at Rodrigo Duterte. Pareho silang ibinoto ng sambayanang Filipino, at pareho silang may mandatong maglingkod bilang dalawang pinakamataas na opisyal sa bansa.

14 buwan na lang, eleksiyon na naman. Disyembre pa lang, malakas na ang bulong-bulungan kung sino ang mga tatakbo bilang presidente. May mga pangalan nang lumilitaw, tulad ni Sara Duterte, Bongbong Marcos, at Manny Pacquiao.

Pero sa totoo lang, sa mga pagpipilian, si VP Leni lang ang may pinakamalapit na mandato sa pagkapangulo. Malinaw na siya ang nasa posisyon para manalo sa halalan, dahil sa kaniyang mandato at solid na pagkapanalo sa eleksiyon.

Kung tama at kalkulado ang mga susunod niyang hakbang, hindi malayong mangyari na siya na ang susunod na mauupo sa Malacañang.

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sir Jerry Yap JSY Ed de Leon

Sa unang Pasko na wala siya
JSY HINDI NAKALIMOT SA MGA EMPLEYADO

ni ED de LEON AYOKONG isipin na wala na si Boss Jerry. Ang laging nasa …

Sir Jerry Yap JSY Nino Aclan

JSY, the best boss that i’ve ever met

ni Niño Aclan SIR JSY is the “Best Boss” that I’ve ever meet. Ganito ko …

Sir Jerry Yap JSY Bong Son

Totoong tao, tunay na kaibigan, best boss ever

ni BONG SON TUNAY na ako’y napahanga sa ipinakitang pagmamahal ng publisher ng HATAW Diyaryo …

Sir Jerry Yap JSY Ms M

Forever grateful kay JSY

ni Maricris Valdez-Nicasio COOL boss. Ganito ko sabihin at ilarawan ang aming publisher na si …

Sir Jerry Yap JSY Rose Novenario

Matatag, maaasahan, may paninindigan
PINAKAMATAAS NA PAGSALUDO SA IYO, SIR JERRY!

ni ROSE NOVENARIO KUNG ilalarawan ko ang pagkatao ni Jerry Sia Yap bilang employer at …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *