ni Ed de Leon
HINDI kami naniniwala na may issue sa mga Manunuri ng Pelikulang Pilipino at kay Direk Mike de Leon. Magkakaibigan naman ang mga iyan. Isa ang Manunuri sa unang nagbigay ng parangal sa mga obra ni de Leon noong siya ay aktibo pa sa kanyang career. May mga miyembro rin ng nasabing grupo na nakiisa sa paglaban sa sensura nang hinihigpitan noon ang pelikula niyang Sister Stella L, na matagal din bago naipalabas dahil sa sinasabing “rebolusyonaryong tema”.Sinabi rin naman ng grupo ng mga kritiko na para sa kanila ay hindi isang issue ang pagtanggi ng director sa ibibigay sana nilang lifetime achievement award doon. Sinabi nilang inirerespeto nila ang kanyang desisyon.
Hindi basta award na hotoy-hotoy iyon. Iyong lifetime achievement award ay isang pagkilala sa nagawang kontribusyon ng isang tao sa industriya ng pelikula na aalalahanin habambuhay. Kung kami ang tatanungin, iyang si director Mike ay isa talaga sa mga tao sa industriya na kailangang mabigyan ng ganyang parangal. Tama sana ang choice, pero choice rin niya kung tatanggapin iyon o hindi.
Kasi minsan, kahit na ang paniwala natin ay ok na ang kanyang mga nagawa, baka naman may iniisip pa siyang mas mahalagang proyektong gagawin, na inaakala niyang mas makakakompleto sa kanyang achievements. Maaari rin namang naniniwala siyang hindi sa mga award napatutunayan ang kanyang kahusayan bilang director.
Kung iisipin mo nga naman ano, may mga director na talagang trying hard na manalo ng awards, na dumarayo kahit na saang hotoy-hotoy na film festivals sa abroad. Iyon bang festivals na ginagawa lamang sa mga dalawa o tatlong magkakadikit na sinehan, kagaya ng ibang mga indie exhibition dito sa atin, tapos ipagyayabang nang nanalo sila ng award sa abroad. Hindi mo naman alam kung mga sidewalk vendor lang doon ang nagbigay sa kanya ng award.
Maraming director dito sa atin na panay ang habol sa awards, wala namang kumitang pelikula. Pero si Mike de Leon, na kinikilala ring isang henyo sa pelikula, tumatanggi sa awards.