HATAWAN
ni Ed de Leon
HINDI pa man umaamin si Ai Ai de las Alas na hiwalay na nga sila ng asawa niyang si Gerald Sibayan, nauna na sa pag-memema ang mga marites. Eh ang sabi mamaya pa lang aaminin ni Ai Ai sa show ni Boy Abunda.
Noong isang araw pa ang mga usapan at may nagsasabi pang sabi raw ni Ai Ai ayaw na niyang sinasaktan siya physically at emotionally. Ibig bang sabihin ay aaminin ni Ai Ai na hindi lamang siya kinaliwa ni Gerald kundi posibleng tinamaan pa siya ng kaliwa niyon?
Nagtataka lang kami, kasi iyang si Ai Ai sa ganyang sitwasyon naman ay hindi tatahimik, lalo na nga at kung sasabihin mong sinasaktan na siya. Pero kakatuwa rin naman ha, kasi iyan din ang unang sinabi, inuumbag daw siya ng kanyang naunang asawang si Miguel Vera noon kaya sila naghiwalay. Hindi ba inamin din niya na matapos silang pakasal sa umaga binimbang na siya agad ng naging asawa niyang si Jed Salang sa mismong gabi ng honeymoon nila? Kaya nga the day after ay hiwalay na sila at binabawi na niya ang kotseng ibinigay niya roon.
Ngayon naman itong si Gerald, na nang makilala ni Ai Ai ay 20-anyos pa lang. Siya pa noon ang badminton hearthrobe ng La Salle, at naging national player din sa badminton kaya nga si Ai Ai ang naging manager ng badminton team. Kasing tanda si Gerald ng anak na lalaki ni Ai Ai, at 27 years ang agwat ng kanilang edad. Hindi namain sinasabing si Ai Ai ay kasing edad ng nanay ni Gerald ha, dahil hindi namin alam. Pero nabaliw din si Gerald sa charms at beauty ni Ai Ai, pero after ten years ng pagsasama nila ano ito? Paano siya sinaktan? Hinalibas ba siya ng raketa ng badminton ni Gerald? Hinead lock ba siya at sinakal? Dapat liwanagin niya iyan.
Iyong emotional pain, natural iyon eh, baka nang-chicks si Gerald, na natural lang naman dahil medyo may edad na si misis at hindi siguro sila match. Isipin mo naman iyong 27 years na pagitan ng edad nila. Sa ganoong agwat ng edad at sa nakita naman nating nangyari, isipin mong nag-manager pa ng badminton team si Ai Ai, walang dudang siya ang lumapit kay Gerald. Okey lang si Gerald pero sa pagdaraan ng panahon, maraming makikita iyang ka-match niya at kung madulas iyan paminsan-minsan hindi mo masisisi, bagama’t hindi naman namin sinasabing tama.
May nakita nga kaming baliktad, iyong lalaki naman ang mas matanda ng 26 years sa babae, natural nang may dumating na tukso, kinaliwa rin siya. Dapat talaga magka-match lang o hindi nagkakalayo ang edad. Dapat din hindi nagkakalayo ang personalidad o ang hitsura. Kung pogi ang asawa mo, asahan mo kahit na may asawa na iyan may lalapit pa rin diyan. Kung sexy naman ang misis mo, aba eh asahan mo nang may asawa man iyan may aaswang pa rin diyan. Kaya nga may aswang eh.
Lesson sa mga babae, huwag masyadong hahanap ng napaka-poging lalaki kung hindi ka naman saksakan ng ganda, kasi kung gagawin mo iyon magiging saksakan ka ng problema. Ganoon din naman ang lalaki, huwag kang mag-aambisyon sa isang napakagandang babae kung sa pagharap mo sa salamin ay para ka lamang nakakakita ng isdang talakitok, tiyak papaksiwin ka lang niyan.
Iyang pag-aasawa, kailangan realistic ka rin eh, although natural nga iyong ang hinahanap natin ay napakataas na ideals. ‘Yong Jackpot. Pero alalahanin ninyo, ang paa ninyo ay hindi pa nakalutang sa lupa. Kilangang tanggapin natin ang katotohanan ng buhay.
Tama ang sinasabi ni Ai Ai, ayaw na niya iyong sasaktan siya. Isipin mong pangatlong asawa na niya iyan at lahat ay binimbang siya. Ano naman ang akala nila kay Ai Ai, punching bag?
Dapat pakinggan ni Ai ai ang payo ni Andrew E, o kaya mag-enrol siya sa Elorde gym o kaya magpaturo ng Taekwondo kay Monsour del Rosario. Kung matuto na siya humanap na lang ng pogi ulit.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com