HATAWAN
ni Ed de Leon
ANG nauna nga sanang plano ng mga Vilmanian, iyong VSSI. Isasagawa nila ulit kung paano ang birthday celebration ni Ate Vi noong araw. Ang naunang plano ay hahanap sila ng isang malaking venue, at saka sasabihan ang mga miyembro nila sa probinsiya na magpunta.
Gusto nilang ma-recreate iyong ginagawa nila noong 70’s at 80’s na talagang dagsa ang fans kung birthday ni Ate Vi. Kasi sa birthday niya may malaki sana silang suprise bukod sa makikita ngang muli ni Ate Vi ang lahat ng hukbo ng kanyang fans. Natatandaan namin noong araw bata pa si Ate Vi at doon pa sila nakatira sa La Loma, Quezon City, aba kung birthday ni Ate Vi, nakalinya ang napakaraming bus sa kahabaan ng A. Bonifacio, roon sila naka-park. Isang araw pa bago ang birthday ni Ate Vi nandoon na sila, sa bus na natutulog. Ang alis niyon ay gabi na pagkatapos ng party ni ate Vi. Hindi naman lahat sila ay makasasali sa party dahil maliit lang ang lugar, pero iyong masabi lang nila na naroon sila sa birthday ni Ate VI maligaya na sila. Ganoon din sana ang plano nina Jojo Lim, para makita ni Ate VI na wala pa ring nagbago, present pa rin silang lahat.
Kaso nagkasunod-sunod ang bagyo, marami ang binaha. Maging si Ate Vi ay natali sa relief operations kaya nasabi nilang huwag na lang, mahaba pa naman ang panahon na makakasama nila ang Star for all Seasons.
Siguro kung ang sitwasyon ni Ate Vi ay matandang-matanda na, hindi na makalakad at mukhang bibigay na rin, magpipilit na ang Vilmanians. Eh hindi pa eh, sumasayaw pa nga si Ate Vi sa Tiktok.