HATAWAN
ni Ed de Leon
SINO ang nagsasabing wala nang network war? Pinalalabas na naman ng ABS-CBN na sila pa rin ang may highly rated content kung susumahin ang total audience kasama na ang sa internet.
Hindi mo naman sila masisisi dahil nagbabayad sila ng airtime sa mga network na pinapasukan nila at ang usual na singilan diyan ay babayaran mo ang total commecial minutes para ka makapag-blocktime. Ibigding sabihin niyon kailangang maibenta nila ng mas mataas ang commercial minutes para mabawi ang kanilang production cost at kumita sila. Eh paano ngang mangyayari iyon kung hindi nila makukumbinsi ang advertisers na mas marami pa rin ang nanonood sa kanila.
Dahil sa ganyang sitwasyon, talagang kung iisipin mo ay lugi pa ang ABS-CBN, mataas ang kanilang cost of production, nagbabayad pa sila ng air time.
Ipagpalagay mo ngang pro rated ang kanilang cost dahil inilalabas nila ang isang content sa maraming estasyon. Pero ang isang advertiser ba ay bibilli ng spot sa magkakaparehong palabas sa ibang estasyon? Huwag mo ring sabihin na ang nakapanood na ng show sa TV5 ay uulitin pa sa GTV, All TV,at Zoe TV. Natural pipili lang sila ng isa roon at panonoorin nila ang isang show ng minsan lang.
Kaya kahit na sabihin ngayon ng ABS-CBN na malakas ang kanilng ratings at iyan ay ayon sa sa survey ng Nielsen at hindi ng Kantar Media na sila lang ang subscribers, hindi pa rin sila makabenta ng sapat na spots para masabing kumikita ang network. Itong taong ito, sinasabi ngang nakalusot sila sa pagbabayad sa utang sa tatlong banko dahil sa sosyo ng anak ni Loren Legarda na kung ilang bilyon din, kung hindi ano kaya ang nangyari na.