HATAWAN
ni Ed de Leon
MAY mangangahas kayang gumawa ng pelikula tungkol sa naging pagtakas at pagkakahuli kay Alice Guo sa Indonesia? O kaya may gagawa kaya ng pelikula tungkol sa pagtatago ni Pastor Apollo Quiboloy na hanggang ngayon ay ayaw sumuko at hindi makita ng mga pulis?
Natawa nga kami noong isang araw, may video pa sa Tik Tok ang isang lider yata ng KOJC na nagsasabing ang mga pulis daw na nananatili sa KOJC ay mga “outlaw.” At ang pinaka-maganda raw na magagawa ng mga iyon para sa kanilang sarili ay alisin ang kanilang mga baril, tanggalin din ang bala at mag-report kay Mayor Baste Duterte. Pero habang nasa Tiktok siya pinapasok na ng mga pulis ang main gate ng KOJC at wala silang nagawa.
Ang nakikita naming scenario, ang ibinabala sa kaguluhang iyan ay ang mga inosenteng tao na naniniwala pa rin kay Quiboloy na hindi sila makapapasok sa langit kundi pipirmahan niyon dahil siya ang “appointed son of God and owner of the universe.” Kung ganoon pala bakit takot siyang pahuli?
Pero mayroon namang mga analysis na nagsasabing iyan ay parang rehearsals lang. Sinusubukan nila kung may darating na may warrant of arrest mula sa ICC. Kung makalulusot nga naman si Quiboloy sa ganyang paraan, puwede ring gawin iyan basta nakapasok ang ICC sa PIlipinas. Iyon ang magandang gawing pelikula. Tinatawagan pa ng nagsasalita ang MNLF, MILF, BIFF at maging ang NPA para tulungan sila laban sa mga pulis na tinatawag niyang outlaw.
Hindi ba inciting to rebellion na iyan? Dapat talaga hulihin na iyan. Kung ginawa ninyo iyan sa panahon ni Digong n’yo, malamang ma-tokhang pa kayong lahat diyan.