HATAWAN
ni Ed de Leon
FAKE news iyon, walang binanggit ang singer na si Gerald Santos tungkol kay Kuya Germs na iginigiit ng isang vlogger. Nabanggit lang ang pangalan ni Kuya Germs dahil ang inireklamo niyang musical director at composer na si Danny Tan ay may ginawang kantang tribute sa batikang host. Sa hinaba-haba ng panahon na si Kuya Germs ay nasa showbusiness, walang nagreklamo laban sa kanya at kahit na tsismis o bintang ay wala naman.
Propesyonal si Kuya Germs sa kanyang pakikipag-deal sa lahat ng tao sa showbusiness, kaya naman matindi ang respeto sa kanya ng mga tao maliban na lang sa ilang nakalaban niya na gumawa rin ng mga tsismis na hindi naman totoo.
Iyang mga blogger talagang iyan, para lang may magbasa sa inilalabas nila o manood ng kanilang video kung sino-sino ang kanilang idinadamay, kaya naman marami na ang nasa-cyber libel sa kanila. Ang totoo kinakalaban pa nga si Kuya Germs ng isa sa mga executive ng GMA noon na nabanggit ni Gerald na protektor daw ni Danny.