HATAWAN
ni Ed de Leon
MATAGAL na kaming hindi nanonood ng mga serye sa telebisyon. Nakakasawa na rin naman kasi ang mga palabas nila. Nakatitipid pa kami ng koryenteng napakamahal na.
Ang huling seryeng napanood namin ay iyong ini-remake nilang Voltes V dahil natutuwa kaming mabalikan ang mga panooring nakagiliwan namin noong bata pa kami. Tapos natuwa rin kami roon sa seryeng First Lady. Sinubaybayan namin iyon hanggang sa matapos. Tapos niyon ay wala na nga. Kaya kung minsan ang mga kaibigan namin ang nagpapadala sa amin ng mga link ng mga programa on line kung may issues na rin silang nakikita.
Noon nanood pa kami ng mga lumang pelikula sa cable. Pero nang malaunan ay hindi na rin dahil ang ipinalalabas naman nila ay puro mga pelikulang indie na masama ang pagkakagawa, sayang lang ang koryente kung panonoorin mo.
Pero noong isang gabi ay nakita namin ang trailer niyong seryeng Pulang Araw. Tungkol pala iyon sa ikalawang digmaang pandaigdig at napansin naming hindi biro-biro ang opticals, gumamit sila ng CGI para maipakita ang hitsura ng lunsod noong panahon ng digmaan. Pati ang mga kasuotan ng mga character at mga kotseng tumatakbo sa kalye. Lahat iyon CGI lamang, at mukhang maganda ang pagkakagawa. Siguro dahil diyan ay manonood kaming muli ng tv.
Sa ngayon ang pinanonood lang namin sa TV ay Eat Bulaga kung tanghali, tapos magbubukas kami ulit ng tv para tingnan kung ano ang nangyayari sa 24 Oras.
Tapos pahinga na kami at maging ang aming tv. Mas masarap makipag-chat sa internet kaysa monood ng palabas sa tv, pero ngayon mukhang panonoorin namin iyang Pulang Araw pagkatapos ng 24 Oras.
Mukhang itinodo na nila ang lahat sa seryeng iyan at mukhang gusto nilang muling maagaw ang prime time supremacy.