HATAWAN
ni Ed de Leon
NAPANSIN lang namin, mukhang dumarami ang fans at parang matinee idol na rin ang nagsisimulang weather reporter ng GMA 7, si Anjo Pertierra. Aba roon sa coverage niya ng translacion sa Quiapo, parang celebrity na ang dating niya sa mga tao. Hindi na parang reporter ang tingin sa kanya kundi parang isang artista eh, lalo na at matangkad naman siyang talaga at pogi naman. Kaya kinakantiyawan nga siya na dapat siya rin ang mag-cover ng pista ng Sto. Nino at ng Valentine’s day pati na rin ang Chinese New Year.
Aba kung siya ang mabibigyan ng ganyang exposure mukha ngang may plano na silang gumawa ng isang bagong star sa GMA News and Public Affairs.
Mukhang mas malakas ang dating ni Anjo kaysa dating nino bonito ng Madre Ignacia na tumalon din sa kamuning na si Atom Araullo. Tingin namin mas malakas ang dating ni Anjo dahil makikita mong nakikibagay siya sa masa, si Atom kasi minsan ay may pagka-suplado pa.
Welcome iyang si Anjo kung ganyan, aminin natin, malaki ang nawala sa GMA News nang yumao si Mike Enriquez na napakalakas ng following sa mga tao. Kailangan nila ng bagong star na sabihin mang hindi kasing galing ni Mike, pero may malakas na personalidad na hahabulin ng masa, at sa palagay namin si Anjo na nga iyon.
Kung natatandaan ninyo, noong nakaraang taon pa ay na-feature na rin si Anjo sa isang website na naglabas ng medyo sexy niyang pictorial, at sinabi na roon na another matinee idol in the making daw siya, at mukha ngang nangyayari na.