HATAWAN
ni Ed de Leon
AKALA namin noong sinabing nagkasundo na sina Lolit Solis at Bea Alonzo, forgive and forget na ang lahat ng nangyari. Iyon pala ay hindi pa. Nilinaw ni Lolit na ang nakasundo niya ay si Bea lang, pero hindi ang ibang taong may kinalaman doon. Hindi naman tinukoy ni Lolit kung sinong tao ang hindi kasali sa kanyang mga pinatawad. Pero maliwanag na ang pagkakasundo nilang dalawa ni Bea ay dahil sa isang gumagawa ng beauty products.
Iniisip ng iba na ang hindi mapalampas ni Lolit ay ang manager ni Bea na si Shirley Kwan. Sinasabing si Shirley ang dahilan kung bakit naalis si Lolit noon sa PAMI, ang samahan ng mga talent manager na kasama siya sa orihinal na nagtayo.
Siguro naman basta nagkausap silang mabuti, magkakasundo rin sina Lolit at Shirley, pero hindi dapat ipilit agad iyan hanggang mainit pa ang ulo ng isa’t isa.