HATAWAN
ni Ed de Leon
NOONG isang araw, nakita si Ricci Rivero na nagjo-jogging sa campus ng UP Los Banos at kasama niya ang dating beauty queen at ngayon ay konsehal ng bayang iyon na si Leren Mae Bautista. Kung kami ang tatanungin tumbok iyan, dahil sa paningin namin, huwag namang ikagagalit ng kanyang fans, mas maganda si Leren kaysa kay Andrea Brillantes.
Pero iyang ganda, nasa tumitingin iyan eh kaya nga napakahirap na magkompara ng kagandahan ng mga tao. Pero ito ang point eh, sinabi ni Andrea sa interview sa kanya ni Vice Ganda na ang lahat halos ng kasangkapan sa condo ni Ricci ay bigay niya. Bukod doon dugyot daw si Ricci dahil hindi man lang mapalabhan sa laundry ang mga damit niyang marumi na nakakalat lang sa kanyang condo.
Kadiri nga naman iyon, lalo na’t natutulog pa roon si Andrea.
Pero lahat ng sinabi niya, na dinagdagan pa ni Rendon Labador na palamunin daw si Ricci at tiyak hindi ang P100 motivational rice ang kinakain niyon. Pero wala pa ring naniwala sa kanila, ang pruweba, ka-date na nga niya si Leren.
Mahirap mong siraan si Ricci. Isa siyang magaling na basketball player, sikat, at higit sa lahat pogi, kaya kahit na sabihin mo pang dugyot iyan at palamunin, may mga babae pa ring papatol diyan. Mananatili pa ring ilusyon ng mga bading iyan. Mas maraming pipila para palamunin si Ricci kaysa kay Rendon at maraming babaeng magvo-volunteer na dalhin sa laundry ang kanyang maruruming damit para palabhan.
Marami pa ring bibili ng kanyang mga gamit sa condo at ang sabihin ninyo baka nga may bumili pa ng condo para sa kanya. Iba ang dating ng basketball player na pogi pa.
Tingnan nga ninyo si Andrea, bakit niya ibinili ng mga gamit ang condo si Ricci? Bakit sa kabila ng sinasabi niyang dugyutin niyon at nakakalat ang maruming damit na hindi magawang palabhan sa laundry nagawa pa niyang matulog sa bahay ng dati niyang boyfriend? Kung hindi ba sikat at magaling na basketball player si Ricci, at hindi pogi iyon papatusin kaya ni Andrea?
At kung ipipilit ni Rendon na palamunin kahit na isang butil na motivational rice ay hindi naman niya napakain si Ricci. Tiyak namin marami ang magpiprisintang pakainin iyon kahit na araw-araw pa. Eh pogi eh at kung dumating ang isang panahon ng taggutom, tiyak iyon mas maraming magpapakain kay Ricci kaysa kay Rendon.
At saka teka, noong una si Ion Perez daw ang palamunin, ngayon naman si Ricci, bakit hindi na lang ang gawin ni Rendon ay kumbinsihin ang mga nagpapakain sa mga palamunin na bilhin ang kanyang motivational rice nang hindi siya naiitsa-puwera sa restoran na sinasabi niyang sa kanya.at mabayaran niya tuloy ang mga Isabela artists na pinagawa niya ng art work at pinangakuang babayaran ng P100k?