HATAWAN
ni Ed de Leon
SIGURO kung mayroon mang makapagsasabi sa movie press na nakakakilala kay Dawn Zulueta kami na iyon dahil sa tagal na rin ng aming pagkakilala at pagsasama sa trabaho.
Kaya noong una naming marinig na nasisira raw ng married life ni Dawn, naalarma rin kami.
Matagal na rin kaming hindi nagkakausap at hindi namin alam ang totoong pangyayari. Nagsimula lang iyan sa isang blind item ng isang blogger tungkol sa isang official ng Malacanang na nagloloko. Nasabay naman iyon sa pag-alis ni Dawn patungong US. Mabilis namang gumawa ng tsismis ang iba na si secretary Anton Lagdameo raw ang Malacanang official, nagloloko raw kaya nilayasan daw ni Dawn.
Pero sa pagkakakilala namin kay Dawn, hindi iyan ang basta tatahimik at aalis na lang. Si Dawn iyong hndi mo mapipigilan kung ano ang gusto niyang sabihin. Ang totoo kaya si Dawn ay dahil nakakuha ng scholarship para mag-aral ng ballet sa US si Ayisha. Natural naman sasamahan niya ang anak niya, babae pa naman.Tapos naman pagbalik niya sa Agosto, sasamahan naman niya ang anak niyang lalaki, si Jacobo sa US din dahil mag-e-enroll iyon sa college roon.
Hihintayin lang daw niyang makapag-settle si Jacobo roon at babalik na siya sa Pilipinas. Si Dawn talaga ay close sa kanyang mga anak at naiintindihan namin kung bakit siya mismo ang sumasama sa mga iyon sa US. Iyang ibang istorya nasa gumagawa lang ng mga tsismis iyan.
Ang totoo hindi naman daw puwedeng magtagal na wala si Dawn sa bansa dahil may iba pa siyang mga project na gagawin. Tapos lumalabas pa later on na hindi naman pala si Sec Anton ang subject ng blind item kundi iba. Ang tsismis nga naman.