HATAWAN
ni Ed de Leon
NAGBIGAY na ng reaksiyon ang kapulungan ng mga Obispong Katoliko sa Pilipinas, tungkol sa naging viral na performance ng isang bakla na nagpakIilalang si Pura Luka Vega, na nakasuot ng damit ng Nazareno, sumasayaw habang nagkakantahan pa ang audience niyang karamihan ay mga miyembro rin ng LGBTQ ng isang remix version ng Ama Namin.
“Ito ay kalapastanganan sa aming pananampalataya,” sabi ng tagapagsalita ng CBCP (Catholic Bishops’ Conference of the Philippines).
Siguro hindi rin alam ng mga baklang nagkakatuwaan pa sa kanilang ginawa na sila ay maaaring maparusahan sa ilalim ng umiiral na Revised Penal Code na nagtatakda ng isa hanggang anim na taong
pagkakakulong sa mga lumapastangan ng pananampalataya ng iba. Kung ang binastos nila ay mga Muslim, baka pugot ulo pa. Nitong mga nakaraang araw, mukhang nalalalagay sa controversy ang mga bading.
Una na nga ang kaso ni Awra nang mabigo siyang paghubarin ang isang lalaki sa loob ng isang bar sa Makati. Ngayon naman ang baklang ito na nagsuot pa ng damit ng Nazareno at nagsasayaw ng wala sa ayos sa saliw ng Ama Namin. Ang tigas pa ng mukha, ang ginawa raw niya ay “queer art” at hindi siya hihingi ng paumanhin kahit na kanino.
Umani naman siya ng batikos sa internet maging mula sa mga kapwa niya bakla.
May mga taong gobyerno kasi na sobra kung tangkilikin ang mga bakla dahil sa paniniwalang marami sila at nakatutulong sila kung eleksiyon. Wala pa ang hinihingi nilang Sogie Bill, ganyan na. Tingnan ninyo, nasa presinto na iyong si Awra parang hindi pa rin kinikilala ang authority ng mga pulis at nakikipagtarayan pa siya sa mga iyon. Ano nga kaya ang gagawin ng mga bakla kung magkaroon pa ng Sogie Law?