HATAWAN
ni Ed de Leon
BAGAMAT pinuri nga ng mga kritiko. Hindi naman kumita ang huling pelikula ni Romnick Sarmenta na isinama sa Summer MMFF. Kagaya lang din naman iyon ng iba pang mga pelikulang kasali roon. Ang lahat kasi ng kasali ay branded na mga pelikulang indie, kaya nga halos lahat yata hindi kumita.
Bakit kami nanghihinayang kay Romnick? Bakit naman hindi eh kinikilalang box office star ‘yang batang iyan. Lahat ng mga pelikula nila noon ni Sheryl Cruz ay malalaking hits.Tapos nasira nga ang kanilang love team, nag-abroad pa si Sheryl at hindi na sila
nakabawi. Pero naniniwala kaming kung mabibigyan lamang ng tamang project iyang si Romnick maaari pa siyang makabawi sa kanyang career.
Nong bata pa siya, ang lakas ng following niya bilang ang batang si Peping sa seryeng Gulong ng Palad at magmula nga noon tumaas na ang kanyang career. Naging mahusay naman siyang aktor kahit na noong nasa edad na siya, iyon nga lang nawala ang kanyang love team at ang kompanya naman ng pelikulang nasamahan niya ay nag-shift sa mga sexy movie kaya napalitan sila ng mga bold star.
Pero iyang si Romnick, kaunting push lang ang kailangan niyan, after all wala tayong leading man na nasa kapareho niyang age level.