HATAWAN
ni Ed de Leon
MINSAN natawa na lang kami sa isang vlogger. Malungkot daw ang industriya dahil sa pagkamatay ng isang sikat na aktor. Pinanood naman namin dahil gusto naming malaman kung sinong sikat na aktor nga iyong namatay. Ang haba ng video kung ano- ano na ang sinabi. Hindi naman binabanggit kung sinong aktor iyong namatay. Sa ending binanggit din kung sino iyong sinasabi niyang sikat na aktor. Ni hindi namin kilala. Minsan sa hangad nilang mapalaki ang audience nila, lahat ng klaseng pambubudol ginagawa na niyang mga vlogger na iyan. Kaya hindi nagtagal, bumagsak din ang kredibilidad nila. Ang mga kuwento nila kasi sobra-sobra.
Kamakailan, inatake sa puso si Gardo Verozosa, sa kuwentong nakita namin namatay na. Nakarating din pala kay Gardo na pinatay na siya sa isang blog, kaya nag-post din siya sa social media na buhay na buhay pa siya. Iyan ang sinasabi namin, wala silang responsibilidad eh. Kasi hindi naman sila kilala. Puro naman sila alyas, walang gumagamit ng totoong pangalan. Basta basa na ang papel mag-iiba lang sila ng pangalan at ayos na naman. Paano ngayon mabubuo ang kredibilidad ng mga blogger/vlogger bilang tagapaghatid ng balita?
Mabilis nga sila, mabilis din namang maghatid ng mali.
Mabuti naman iyan para sa amin, dahil nagbabalik na ang mga tao sa pagbili ng mga lehitimong diyaryo, kasi gusto nila ng totoong balita. Lumakas lang naman iyang mga blogger/vlogger noong pandemic, hindi makalabas ang mga tao para bumili ng diyaryo. Marami ring dyaryo ang tumigil dahil wala ngang bumibili, hindi makalabas ng bahay eh. Noong normal na ang lahat, nagbabalik na sa dati. Hindi sila naka-maintain dahil sa mga fake news na sila rin naman ang nagkakalat. Kung hindi lang dahil sa mga fake news nila, baka sila na nga ang tuluyang namayani sa pagbabalita.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com