ni Ed de Leon
Ilang panahon na rin palang nagpapadala ng feelers ang female star sa mga kaibigan niyang nakalipat na sa bagong network na baka makalipat din siya roon. Pero mukhang ang feelers niya ay hindi naman pinapansin ng mga boss ng network.
“Dito sumikat iyan noong araw, noong magkapangalan walang sabi-sabi na lumipat siya sa iba. Ngayong laos na siya gusto niyang bumalik,” ang natatawang sagot sa amin ng isang network executive.
Totoo naman iyon. Noong baguhan pa siya at wala pang binatbat, kinupkop siya ng network sa pakiusap ng manager niya noon. Noon namang sumikat na siya, palagay niya kahit na ano ang gawin niya hindi siya magiging number one sa network, dahil may mas matindi ang popularidad sa kanya na naroroon din. Bigla nga siyang lumipat ng network nang walang sabi-sabi.
In fact hinihintay pa siya sa show kung saan siya co-host, nang nagulat na lang ang network nang malaman na nasa kalabang show siya at nag-a-announce na magkakaroon siya ng solo show doon. Hindi naman siya hinabol. Ngayong laos na siya gusto niyang bumalik?
Suntok sa buwan iyan.