ni Ed de Leon
MATINDING selos lang naman daw ang dahilan kung bakit nakipag-split ang female star sa kanyang boyfriend. Una, tuloy-tuloy kasing umaangat ang career ni boyfriend samantalang siya ay hindi. Hindi rin naman maikakaila na mas maraming fans ang naghahabol sa kanyang poging boyfriend samantalang siya, parang ordinary beauty lang ang dating. Alam din naman niya, maraming female stars din na nag-aabang kung kailan sila magbe-break ng boyfriend niya dahil obvious naman noon pa ang insecurity niya.
Nagkaroon din siya ng duda na baka nga may gay lover na rin ang boyfriend niya matapos na magkaroon iyon ng sariling bahay at mabili ang lahat ng mga kailangan niya.
Dahil sa matinding selos at insecurity, tuluyan na ngang nawala ang poging boyfriend niya at mukhang nagsisisi na siya ngayon.