NOONG isang araw, nagpunta si Catriona Gray nang personal sa NBI para ireklamo at paimbestigahan ang nagkalat sa internet ng kanyang nakahubad na pictures, na sinasabi niyang fake naman. Hindi naman siguro natin masasabing mabagal ang NBI, dahil ilang araw pa lamang naman ang kanilang imbestigasyon. Kaya lang marami ang nagtatanong kung bakit hindi kasing bilis ng reklamo ni Sharon Cuneta.
Si Sharon, hindi pa naghaharap noon ang pormal na reklamo. Sa loob lamang ng maghapon, nakagpalabas ang NBI ng tunay na identity ng nag-post na nagbabanta umano ng rape sa anak ni Sharon kahit iyon ay nasa abroad. Mabilis din nilang sinabing iyon ay maaaring sampahan ng kaso at magagamit ang extradition treatise ng Pilipinas, para iyon at mapabalik sa Pilipinas at mapanagutan ang kanyang ginawa.
Sabi nga nila, dahil ba iyon sa kaibigan at matagal na naging abogado ni Sharon si DOJ Secretary Meynardo Guevarra? Hindi rin kaya dahil sa ang asawa ni Sharon ay isang senador?
Kailangan mapabilis din ng NBI ang pagtuklas kung sino ang nagkalat ng nude pic ni Catriona, at dapat alamin din nila kung magagamit ang extradition treaties ng Pilipinas kung ang nagkalat man niyon ay naninirahan na sa abroad, para mapauwi iyon at panagutan ang kasalanan niya sa Pilipinas.
Minsan hindi mo maiiwasan ang mga ganyang katanungan mula sa mga tao. Lalo na at ang mga involve ay mga personalidad na sinasabing “may malakas na kapit.” Napakarami kasing kaso na naiipon sa ating mga law enforcement agencies, na inaabot ng maraming taon at hindi nabibigyan ng solusyon. Pero may mga kaso ngang maghapon lang may resulta na.
Hintayin natin kung ano ang magiging handling ng NBI sa kaso ni Catriona.
HATAWAN
ni Ed de Leon