NAKASAMA si Aiai delas Alas sa mga “hinugasan ang paa” noong Huwebes Santo. Aminado si Aiai, noon lang siya nakasaksi ng ganoong seremonya at kasali pa siya. Napaluha si Aiai dahil noon lang din niya nalaman ang kahulugan ng seremonyang iyon. Kasi hindi naman naging ugali talaga ng marami iyong nagsisimba maliban kung Linggo, at iyang mga artista, karaniwan nasa bakasyon iyan kung Mahal na Araw kaya hindi sila aware sa mga ganyang seremonya lalo na nga at Huwebes Santo pa.
Makabuluhan din kay Aiai na mapili siyang isama sa seremonyang iyon, lalo na nga sa panahong ito na ang lahat ng seremonya sa simbahan ay pribado, bilang bahagi nga ng pag-iwas sa Covid-19. Isipin mo nga namang sa dinami-rami ng mga tao ay isa siya sa mapili para sa bagay na iyon.
Noong araw, mga lalaki lamang, na kumakatawan sa mga apostoles ang hinuhugasan ng paa kung Huwebes Santo. Ngayon, sa makabagong panahon, naisasali na rin pati mga babae.
HATAWAN
ni Ed de Leon