MUKHANG mas open na ngayon si Geneva Cruz sa pag-amin sa kanyang relasyon kay Niko Booth, isang foreigner na concert producer din. In fact nagkakilala sila dahil sa isang concert niya na si Niko ang producer hanggang sa nauwi na nga iyon sa ligawan.
Maliban sa pagiging isang concert producer, wala na tayong naririnig tungkol kay Niko.
Si Geneva naman, matagal nang walang love life simula nang magkahiwalay sila ni KC Montero. Bago si KC, nakarelasyon din niya si Paco Arespacochaga kung kanino siya may isang anak, si Heaven. Iyon namang anak niya 22 na rin, nag-aaral ng Nursing sa US at masasabi nga sigurong may sarili na ring buhay. Kaya hindi naman nakapagtataka kung dumating man ang panahon na muling ma-in love si Geneva. Bukod doon kung ipagpapaliban pa niya iyan, baka naman maging late na para siya makabuo ng panibagong pamilya, na obviously gusto niyang mangyari noon pa.
Sana nga magkaroon na ng panahon si Geneva sa kanyang love life ngayon. Ang naging problema lang naman niya in the past ay kung paano mahahati ang kanyang panahon sa kanyang career at sa ibibigay niyang panahon sa kanyang pamilya. Obviously she failed kaya nga hindi naging maganda ang pagsasamahan nila ng mga una niyang nakrelasyon. Nagkulang nga siguro siya ng tamang panahon para sa kanyang pamilya.
Isa pa, ang mga nakarelasyon niya noon ay mga artist din. Kaya problema rin ng mga iyon ang kanilang panahon para sa pamilya. Ngayon hindi personality ang kanyang boyfriend, businessman iyon at baka sakali ngang makatugma na ang kanilang panahon.
Iyon lang naman ang kailangan sa isang pamilya eh.
HATAWAN
ni Ed de Leon