UMAMIN na rin si Alden Richards na alam niyang siya ang sinisisi ng marami kung bakit hindi naging totoo ang love team nila ni Maine Mendoza. Hindi natin maikakaila na may panahong walang makatapat sa kanilang popularidad noong kasagsagan ng kanilang love team.
Maaari rin namang sabihing iyon din ang naging height ng popularidad ni Alden, dahil bago naman iyongAlDub hindi siya sumikat ng ganoon. Mapapansin din naman na ngayong lumamig na ang AlDub, hindi na rin ganoon katindi ang kanyang popularidad.
Pero ang sinasabi nga ni Alden, hindi naman puwedeng magpanggap na lang sila habang panahon, at saka in fairness, si Maine naman ang unang umamin na ang kanilang love team ay, ”for professional reasons lang”.
Sa buong panahon ng kanilang love team, wala talagang ligawang naganap. Ok lang naman iyon kaysa naman sa paglaruan nila ang kanilang emosyon dahil lamang sa kanilang love team. Magugustuhan pa ng fans na binobola lamang sila kahit na sa totoo lang ay wala naman silang relasyon? Lalo na nga sa kaso ni Maine na hindi naman talaga sanay pa sa showbusiness. Hindi niya kayang magpaka-plastic.
Actually matapos na umamin si Maine ng katotohanan, nagsimula ngang manlamig ang love team. Noong una, si Maine ang bina-bash dahil nakikita siyang may ka-date na iba. Pero nang malaunan, ang napagbalingan nila si Alden, kasi bakit nga ba naman gagawin iyon ni Maine kung nanliligaw din si Alden.
Iyong pag-amin naman ni Maine na hindi siya totoong nililigawan ni Alden ay dahil nakunsumi na rin siya sa mga basher na lahat ng mga nagiging kaibigan niya ay inaaway nga ng bashers.
Ngayon maliwanag na ngang wala na talaga ang AlDub.
HATAWAN
ni Ed de Leon