ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
PATOK ang tambalan ng award winning actress na si Sylvia Sanchez at ng kilala sa mga prestihiyosong international filmfests na si Alemberg Ang.
Sa tandem ng dalawa, nagbunga ito ng Japanese film na “Renoir”, na nakasali sa main competition sa katatapos na 78th Cannes Film Festival.
Kabilang sa producers ng naturang pelikula ang Nathan Studios na pag-aari ng pamilya ni Ms. Sylvia at ang Daluyong Studios ni Alemberg. Sila ay nakipagsanib-puwersa sa mga producers mula Singapore, France, Qatar, at Malaysia.
Ang Renoir ay sa direksiyon ni Chie Hayakawa na direktor rin ng pelikulang “Plan 75”. Ito ay critically acclaimed at Japanese entry para sa Best International Feature Film sa 95th Academy Awards o Oscars.
Rumampa sa red carpet ng Cannes filmfest sina Ms. Sylvia at Alemberg para sa entry nilang Renoir na nakatanggap ng standing ovation mula sa audience.
Nabanggit nila kung paano nagsimula ang kanilang partnership bilang movie producers.
Pagbabalik-tanaw ni Ms. Sylvia, “Ikukuwento ko ‘yung journey namin ni Alem. Noong first year ko (sa Cannes), si Alem kasi tahimik, so may connotation sa kanya na parang suplado, na hindi nagsasalita. So ako naman, Diyos ko bago ba sa akin ang suplado? E, may number 1 suplado sa tabi ko, iyong asawa ko (Art Atayde).
“But anyway, sinabihan ko siya, nagkakilala kami… sabi ko, ‘Gusto kong ano, baka kailangan ng producer, gusto kong mag-co-prod.’ Tiningnan niya lang ako, sabi niya, ‘Okay.’ Ganoon lang siya…
“Iyon pala ang inisip niya…,” Baling naman ni Ms. Sylvia kay Alem para siya ang magkuwento,“Anong ginagawa ng artistang ito?” natatawang sambit niya.
“Pero hindi ko naman sinabi iyon, (iyon lang ang nasa isip ko noon),” nakangiting dagdag pa ni Alem.
Pagpapatuloy ni Ms. Sylvia, “Ako naman, wala akong kilala roon. Basta may sarili akong goal, may sarili akong mundo roon…
“Anyway, nagkita kami noong second year (ko sa Cannes), Sabi ko sa kanya, ‘Ako ha, okay pa rin ako, gusto ko pa rin mag-produce, ha, Alem.’ So, ngumiti na siya, tapos iyon na nga. Nag-offer siya na may ganitong grupo raw, blah blah, blah. So iyon na.”
Bilang reaksiyon naman dito, aminado si Alemberg na noong una niyang na-meet si Ms. Sylvia ay hindi siya sigurado kung seryoso ang aktres sa kanyang offer para mag-co-prod sila ng pelikulang isasali sa Cannes. Marami na raw kasing lumapit sa kanya before, pero hindi niya ito sineryoso.
Aniya, “Kasi nga, nakikita ko siya… a, seryoso pala. Naghahanap ng pelikula at gusto talagang mag-produce ng film. Kasi, marami nang lumapit sa akin before. Hindi naman mga artista, iyong mga business people. E, hindi ganoon kadali mag-produce ng pelikula na papasok sa Cannes. Hindi siya basta-basta.
“So, noong nakita ko na sobra siyang seryoso… kasi by then, ginawa niya yung Topakk na nag-Locarno. E ako nga, hindi pa nagkaroon ng film na pumunta ng Locarno, e.
“So hayon, napabilib ako. Tapos dinistribute nila ‘yung Monster na nanalong Best Script sa Cannes, na Japanese film din. So parang, ‘A, okay. So, seryoso talaga,’” esplika ni Alemberg.
Aniya pa, “So every time na may naririnig akong possibility na film, na posibleng mag-Cannes, kasi hindi naman ito guaranteed, there’s no guarantee, tinatanong ko siya kung gusto niya. Buti na lang ay kilala niya ‘yung director ng Plan 75, and so nang inilapit ko, hayon, doon na.”
Nabanggit ni Ms. Sylvia na hindi lang co-prod sila rito na basta nagbigay sila ng pera bilang kontribusyon sa pelikulang Renoir, na nag-shoot sa Japan at Filipinas. Dahil mismong involved din sila sa ibang aspekto ng production ng pelikula tulad ng pagiging location manager, sa pagkain, at iba pa.
Ayon pa kay Alem, may mga A-list film festivals na ang nag-invite sa kanilang pelikula, pero hindi pa niya ito puwedeng sabihin dahil gusto ng mga festivals na ito na sila mismo ang mag-a-announce.
Anyway, ipalalabas ang Renoir sa mga sinehan sa Japan sa June 20 at dito naman sa Filipinas ay kasali ito sa QCinema Film Festival 2025 na gaganapin sa November.
Nabanggit din ni Ms. Sylvia na ang bago nilang pelikulang ginagawa na “I’m Perfect” ay balak nilang isali sa MMFF 2025.
Ito ay isang kakaibang kuwento ng pamilya at pagmamahalan. Ang I’m Perfect ay pagbibidahan ng mga batang totoong may Down Syndrome, kaya isang kaabang-abang na naman itong pelikula mula sa Nathan Studios.