OPISYAL nang inihayag ng Philippine Sports Commission (PSC) na gaganapin ang Batang Pinoy 2025 sa 25-31 Oktubre 2025 sa Generl Santos City.
Ayon sa PSC, ang paligsahang nakabase sa paaralan para sa mga atletang hindi hihigit sa 17 anyos ay magiging mas malaki, mas maganda, at mas moderno.
“Plano namin magpatupad ng mga inobasyon na makabubuti sa lahat ng delegado,” ayon kay project director Dindin Urquiaga sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum nitong Martes sa Conference Hall ng Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Maynila.
Kasama sa forum, sa pagtataguyod ng San Miguel Corporation, PSC, Philippine Olympic Committee, MILO, Smart/PLDT, at ArenaPlus, si PSC chairman Richard Bachmann at ang technical working group ng PSC.
“Ang pangunahing layunin namin para sa Batang Pinoy ngayong taon ay bigyan ang mga delegado ng isang kahanga-hangang karanasan na parang sila’y nakikipagpaligsahan sa pandaigdigang antas,” ani Bachmann, at idinagdag na ang tagumpay ay makikita sa “ngiti ng mga kalahok.”
Kabilang sa mga inobasyon para sa paligsahang may 27 sports ay ang paggamit ng QR code system para sa iskedyul at resulta, pag-a-adjust ng age limit base sa isport, at pagbibigay nang mas maayos na transportasyon para sa mga delegado sa pamamagitan ng e-Jeepneys habang sila ay nasa Tuna Capital ng bansa.
Mula sa 14,000 kalahok noong nakaraang taon sa Puerto Princesa, Palawan, inaasahan ng PSC at ng host province na mahigit 15,000 ang lalahok sa mga sumusunod na sports: aquatics, archery, arnis, athletics, badminton, basketball, boxing, chess, cycling, dancesport, futsal, gymnastics, jiu-jitsu, kickboxing, karate, muay, pencak silat, sepak takraw, soft tennis, tennis, table tennis, taekwondo, volleyball, weightlifting, wrestling, at wushu.
Kamakailan ay nakipagpulong ang PSC technical working group kay General Santos City Mayor Lerelie Pacquiao at nagsagawa ng ocular inspection sa mga venue.
“Napakapalad namin dahil kasing-sigla rin ng pamahalaan ng Lungsod ng General Santos ang kanilang suporta,” dagdag ni Urquiaga. (HNT)