NAPAKA-BONGGA ng inilunsad na Tiktok Video Competition ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. na puwedeng salihan ng mga artista, influencer, o simpleng tao. Ang Tiktok video ay kailangang magtampok ukol sa relasyong diplomatiko ng Pilipinas at China.
Noong Biyernes inihayag ng bagong halal na Pangulo ng FFCCCII na si Victor Lim sa isinagawang press conference noong Biyernes sa Pandesal Forum na pinamumunuan ni Wilson Flores ng Kamuning Bakery Café, ang ukol sa 1-2 minutong TikTok Video Competition kaugnay pa rin ng pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng relasyong diplomatiko ng Pilipinas-China.
Hinihikayat ni Lim ang mga kabataang Pinoy na lumahok. Aniya, “Ito na ang iyong pagkakataon para ipagdiwang ang ating ibinahaging kasaysayan sa pamamagitan ng pagkamalikhain. Hayaan ang iyong mga video sa TikTok na magbigay ng inspirasyon sa pagkakaisa at ipakita ang masiglang kinabukasan ng relasyon ng Pilipinas-China.”
Binigyang diin sa komprensiya ang kahalagahan ng pagpapatibay ng ugnayan ng dalawang bansa, na nakikibahagi sa mahigit isang libong taon ng pagpapalitan ng kultura at ekonomiya.
Layunin ng Tiktok Video competition na hikayatin ang mga kabataang Filipino na mag-focus sa milestone, kwento at mga hangarin sa hinaharap ng makasaysayang relasyong ng Pilipinas at China.
Ang mga video entry ay kailangang nasa MP4 format na may mga English subtitle na tutuon sa relasyon ng Pilipinas-China, kabilang ang mga personal/komunidad na kwento, kultural na koneksyon o mga pananaw para sa mas matatag na bilateral na ugnayan.
Ang paligsahan ay bukas sa mga mamamayang Filipino na may edad 18-35 (mga indibidwal o pangkat).
Kailangang i-upload ang video sa TikTok gamit ang hashtag na #PHChina50Years at i-tag ang @ffcccII.official. Magrehistro at magsumite ng mga entry hanggang Mayo 27 sa pamamagitan ng opisyal na QR code (na matatagpuan sa mga poster ng FFCCCII).
Ang mga mananalo ay iaanunsyo sa Hunyo 8, (mauuna sa Hunyo 9 na anibersaryo).
Ang magwawagi ay magkakamit ng: 1st Prize, P100,000 =; 2nd Prize, P50,000; 3rd Prize, P30,000; 10 Consolation Prize na 10,000 bawat isa at tatlong Special Citations, P20,000 bawat isa.
Sa kabilang banda, proud namang ibinahagi ni Wilson ang kanilang “Pan de Nora” breads bilang pagbibigay-pugay sa namayapang National Artist na si Nora Aunor.
Ani Wilson, ang paglulunsad ng bagong produktong Pan de Nora ng 86-year-old Kamuning Bakery Cafe ay kasabay din ng pagdiriwang ng kaarawan ng Superstar sa May 21.
Hinahangaan nj Wilson ang pagiging great artist ni Nora lalo ang inspiring “rags-to-riches” story, gayundin ang paggawa nito ng mga pelikulang may kaugnayan sa lipunan.