GINAPI ng Table Tennis Association for National Development (TATAND)-Joola ang Team Priority, 2-0, para angkinin ang team championship sa 1st TOTOPOL Fishbroker International Veteran Table Tennis nitong weekend sa Table Tennis Academy Spinora-Ayala Malls sa Pasig City.
Dinaig ni Michael Dalumpines ang karibal na si Richard Nieva, 3-0, habang umiskor ng 3-1 panalo ang kakampi na Taiwanese na si Makoy Yap laban kay Benedict Gaela para ibigay sa TATAND-Joola ang inaasam na titulo sa isang araw na torneo na sinusuportahan ng Totopol Fishbroker, Chawi Sports Center, Joola Philippines, Spinora Table Tennis Haven, Table Tennis Haven, at Ayala the 30th .
Kinumpleto ni dating TATAND executive Philip Uy ang three-man squad ng TATAND-Joola.
Naisayos ng TATAND-Joola at Team Priority ang titular match matapos manalo sa kani-kanilang semifinal duel sa one-round 10-squad competition na tampok ang mga nangungunang beteranong manlalaro mula sa Myanmar, Malaysia, Taiwan, at China. Ang torneo ay naglalayon na pasiglahin ang internasyonal na pakikipagkaibigan, ipagdiwang ang mga kasanayan at dedikasyon ng mga beteranong manlalaro, at itaas ang table tennis sa rehiyon.
Tinalo ng TATAND-Joola ang sister squad na TATAND-Marclyn (Rodel Valle, Greg Pascua at Marcos De Jesus), 3-0, habang tinalo ng Team Priority ang PNP Table Tennis Club (Intoy Castillo, Butch Espirito at Sam Arong), 2-1, sa Final Four match.
“We’re very grateful to all our sponsors and participants. Yung adhikain namin na ma-inspired ang mga kabataan na maglaro ng table tennis ay talagang nakakatuwa na makitang marami ang nanood sa ating tournament,” sambit ng organizer na si dating SEA Games medalist and National coach Julius Esposo. (HATAW Sports)