Wednesday , November 6 2024
Gerald Anderson Angel Locsin Nora Aunor Marco Gumabao

Angel, Gerald nami-miss sa mga ganitong kalamidad; Nora, Marco maramdaman kaya sa Bicol?

HATAWAN
ni Ed de Leon

GRABE ang nangyari sa Bicol dahil sa bagyong Kristine. Ang daming baha na lampas tao. May nakita pa kaming isang bata na nakakapit na lamang sa isang haligi ng bahay para hindi malunod. Hindi lamang baha, sinasabing may umagos ding lahar mula sa bulkan. 

Kung ikaw ang nasa isang ganoong sitwasyon, talagang wala ka nang magagawa kundi magdasal na lang. Sinabi na ng RDRRMC na hindi na nila makakaya ang rescue and relief operations dahil matindi talaga ang problema. Kailangan nila ng tulong. Ang pumasok nga agad sa isip namin habang nakikita ang lahat ng iyon ay sana mayroon ding isang kagaya ni Gerald Anderson sa Bicol na tutulong kahit na naglalagay din iyon ng kanyang buhay sa panganib. Naalala namin ang kabayanihang ipinakita ni Gerald nang iligtas niya ang ilang pamilya sa Quezon City na ang buong bahay ay lumulubog na sa baha.

May post din ang dating sexy star na si Nini Jacinto, nag-aalala siya dahil napakalakas daw ng hangin sa Carmona, Cavite  para raw mababasag na ang salamin sa kanilang bintana at wala silang koryente. Iyan ang karaniwang problema ng marami lalo na sa panahon ng bagyo. Iba na ang takbo at lakas ng mga bagyong tumatama sa Pilipinas, dahil daw iyan sa global warming.  Dito sa atin, basta may nangyayaring ganyan, ang inaasahan lang ng mga taong tutulong sa kanila ay ang kanilang gobyerno. Eh kung minsan dahil sabay-sabay nga ang problema, may mga lugar na hindi naaabot ng gobyerno. Noong araw aktibo sa relief and rescue and Red Cross, pero ngayon mukhang kapos din sila sa pondo. Iyang Red Cross naman kasi ay kumukuha lamang ng suporta mula sa International Red Cross at Red Crescent Societies, kaso sunod-sunod din ang giyera sa kung saan-saan, natural uunahin iyon ng Red Cross. Dahil kung giyera na, walang ibang makakakilos kundi sila lamang.

May mga arrtista tayong dumadamay agad sa mga ganyang kalamidad. Isa na nga riyan si Angel Locsin, na makikita mo pang nakasalampak ng upo sa lapag at nagbabalot ng relief goods sa Red Cross.    

May pagkakataon pang ipinagbili niya ang isa niyang kotse para makadagdag sa pambili ng relief goods na kailangan nilang ibahagi sa mga biktima ng kalamidad. Noong panahon ng pandemic, nagsimula si Angel sa pagdadala ng pagkain para sa mga frontliner hanggang sa umabot siya sa pagpapatayo ng air conditioned tents para mapagpahingahan ng mga iyon, at mapaglagyan din ng mga pasyenteng wala nang mapuwestuhan sa loob ng ospital. 

Aba eh sa kabila ng lahat ng ginawa ni Angel,  na-red tag pa siya at gusto pang kasuhan niyong NTF ELCAC. Mabuti nga at binuwag na ni PBBM iyon.  Kahit naman sino kung ganoon eh uurong ka na.

Si Vilma Santos, dahil nasanay na siya noong mayor at governor siya. Basta may nagbabanta pa lamang kalamidad, tumatawag na iyan sa mga kaibigan niya, sa mga kompanyang ineendoso niya ang produkto. Humihingi na siya ng donasyon para sa mga biktima ng kalamidad. Madali iyon para kay Ate Vi, kasi basta may mga commercial siyang ginagawa,hindi siya naniningil ng malaki, pero ang usapan basta may kalamidad tutulong naman sila sa kanya. Kaya sa Batangas ay walang masyadong problema. Wala pa iyang bagyo at baha may naka-ready na silang relief, may mga appointed na silang evacuation centers dahil naghahanda rin sila sa banta ng Taal.

Ang nakakaawa iyong Bicol, wala pa yatang kumikilos. Tiyak iyan tutulong si Marco Gumabao na kumakandidatong congressman sa Camarines Sur, dahil sanay naman siya sa ganyan at lalo na ang ermat niya. Dating congressman din ang tatay niya. Ewan namin kung may magagawa rin si  Nora Aunor dahil ang party list niya ay Bicol based, at alangan namang ang asahan niyang tumulong doon ay si Diwata? Pero iyon nga paano namang makatutulong si Nora eh hindi na nga halos siya makalakad, at hindi na rin naman siya gaya nang dati na milyon-milyon kung kumita. Puro indie lang naman ang ginagawang pelikula ngayon ni Nora na hindi pa maipalabas sa sinehan dahil hindi naman kumikita. Wala rin naman siyang commercials, kaya wala ring sponsors na makatutulong sa kanya. Pero kung totoo na marami pa siyang fans, bakit hindi naman tumulong ang mga iyon sa mga kababayan ni Nora. Noon sinasabi nila na milyon ang malilikom nila sa kanilang project na “Piso para kay Nora.” Ngayon tumulong naman sila, ipakita nila kung marami pa nga ba sila gaya ng sinasabi nila.

Iyong GMA nagpadala na rin daw ng tulong. Pero iyong tulong nila depende pa rin iyon sa malilikom nilang donasyon mula sa mga tao. Hindi naman nila ibibigay ang pera ng kompanya roon. Iyong ABS-CBN ano nga ba ang aasahan ninyo, wala silang prangkisa at nagtanggal pa nga ng 100 tauhan dahil lugi sila ng P2.02-B sa taong ito.

Kumikilos na rin ang simbahan. Ang mga simbahan ang karaniwang ginagamit na evacuation centers, bukod doon natural dahil pinatuloy mo na sa simbahan mo pakakainin mo pa rin iyan kahit paano. Gusto mo bang masabi na may namatay sa gutom sa nag-evacuate sa inyo? Natural naman hindi.

Kung buhay pa si Boss Jerry Yap, tiyak na nakadukot na naman iyon sa kanyang bulsa at kumuha na ng pera niya sa banko, at tiyak na gamit ang mga delivery vehicle ng Hataw magpapadala agad iyan ng relief goods sa mga evacuation center. Eh wala na rin si Boss Jerry, mabuti kasing tao kaya pinagpahinga agad ni Lord. Mahirap ang sitwasyon natin ngayon, lalo na nga’t iyan ang papasok sa isip mo matapos kang istorbohin sa pagtulog ng alarma ng NDRRMC na sa ingay imposibleng hindi ka magising, dahil sa warning nilang malakas na ulan, pagbaha, at pagguho raw ng lupa. Rito naman po sa amin patuloy ang pag-ambon.            

`           

Ang buhay nga naman natin, pero sige lang tumulong ang may magagawa.

About Ed de Leon

Check Also

Bea Alonzo Lyle Menendez

Bea tinuligsa sa Halloween costume, post dinilete agad

MA at PAni Rommel Placente KONTROBERSIYAL na naman ngayon si Bea Alonzo. Ito’y matapos siyang mag-post …

Vice Ganda

Vice Ganda sa pagpasok sa politika — never mangangampanya at gagastos

MA at PAni Rommel Placente SA panayam kay Vice Ganda ng dating manager na si Ogie Diaz para sa …

Ella May Saison Jay Durias

Jay at Ella magpaparinig ng love songs na nakaka-LSS

RATED Rni Rommel Gonzales SOLID na tagahanga ni Ella May Saison ang South Border vocalist na si Jay Durias. Kuwento …

Andre Yllana

Andre na-shock kotseng lumubog sa baha ‘di na naayos

RATED Rni Rommel Gonzales SARIWA pa sa isip ng marami ang pinsalang dulot ng super …

Coco Martin Kim Rodriguez

Kim Rodriguez ‘di malilimutan pag-aalaga  ni Coco

MATABILni John Fontanilla HINDI makalilimutan ni Kim Rodriguez ang mga sandaling naging parte siya ng FPJ Batang Quiapo. …