HATAWAN
ni Ed de Leon
SIGURO nga malungkot ang mga producer ng pelikulang Dear Satan dahil sa ikalawang pagkakataon na ang pelikula ay ni-review ng MTRCB, muli iyong binigyang ng classification X ng reviewers na pinamunuan ni Richard Reynoso. Ipinaliwang nila na hindi ang title ang objectionable sa kanilang tingin kundi ang content ng pelikula mismo.
Sa ganyang sitwasyon, ang producer ay may option pa naman para hindi matapon ang kanilang pelikula. Maaari silang mag-reshoot para baguhin ang mga bahaging objectionable, o kaya ay umapela sa board en banc, para ang pelikula ay panoorin na ng lahat ng members ng board. Kung sa review en banc ay bigyan pa rin sila ng X, maaari pa silang umapela sa review committee sa Tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas, na ang uder secretaries ng Defense, Education, at Justice ang manonood ng pelikula. Pagdating doon hindi na namin masasabi kung ano ang mangyayari dahil sa natatandaan namin iilan pa lang pelikula ang iniapela hanggang sa review committee ng Office of the President at wala pa kaming natatandaang desisyon nila na binaliktad ang desisyon ng MTRCB. Ang pinaka-maganda na lang diyan, makipag-usap sila sa mga miyembro ng MTRCB, alamin nila kung ano ang objectionable na sinasabi at mag-reshoot na lang sila ng pelikula.
Mas ok na iyon kaysa mabasura ang buong pelikula nila at hindi na makabawi sa puhunan.