HATAWAN
ni Ed de Leon
ANG nanalo, ang Reality Entertainment dahil maliwanag na ngayon na sila ang unang napili ni Ate Vi (Vilma Santos) sa kanyang pagbabalik pelikula. Hindi natin masasabing ang kanilang proyekto ang siyang una ngang mailalabas, dahil may nakaabang pang ibang projects, Depende rin iyan kung gaano katagal ang kanilang pre-production, na depende rin naman sa laki ng pelikulang kanilang gagawin.
Isa sa mga dahilan kung bakit napili ni Ate Vi ang Reality ay dahil hind naman naiiba iyan sa Regal na noong kapanahunang aktibo siya talaga sa pelikula ay nagkaroon ng malaking bahagi sa kanyang career.
Medyo nag-menor lamang ang Regal noong panahong sinasabi ngang dehado ang mga producer doon sa mga kakompitensiya nilang may sariling network, dahil tagilid sila sa promo. Eh ngayong wala na ring may network, patas na lang sila at mananaig diyan ang mas may karanasan, at may koneksiyon at mahabang panahon ng pakikitungo sa mga tao sa industriya na kagaya ng Regal. Kaya panalo rin ang Reality Entertainment dahil hindi naman maikakaila ang koneksiyon nila sa Regal.
Ibig sabihin, tama ang diskarte ni Ate Vi.
Hindi naman ibig sabihin niyon ay matatali na sa ganoon si Ate Vi. May mga proyekto rin namang inialok sa kanya ang Star Cinema na aktibo na rin ulit sa paggawa ng pelikulang ipalalabas sa mga sinehan, bukod pa sa tv project na offer naman ng ABS-CBN. Pero sabi nga ni Ate Vi, “ang offer nila ay concept pa lang.” Kaya hindi pa rin natin tiyak pero kung ano man ang mapiling gawin ni Ate Vi, tiyak naman hit iyon.