HATAWAN
ni Ed de Leon
HINDI raw napigilan ni Michael de Mesa ang umiyak kahit na siya ay nasa taping, nang mabalitaang yumao na ang kanyang kapatid na si Cherie Gil. Maski noong araw, mahal na mahal ni Michael si Cherie dahil nag-iisa nga siyang babae sa kanilang pamilya. Sa pagkamatay din ni Cherie, si Michael na lang ang mag-isang maiiwan, dahil nauna nang pumanaw ang isa pa nilang kapatid, si Mark Gil.
Nakakapagkuwento kami nang ganyan dahil mga bata pa sila ay naging kaibigan na namin iyang mga Eigenmann. Madalas kaming nagkakasama noong mga panahong nagsisimula pa lamang sila, at madalas din naming madalaw sa tinitirahan nilang bahay noon sa Mandaluyong.
Kahit na noon pa, mas makuwento sina Mike at Mark. Si Cherie bagama’t makuwento rin, ang mga bagay na personal ay nananatiling personal lang sa kanya. Pero sa kanilang tatlong magkakapatid walang lihiman. Very protective ang dalawa niyang kuya kay Cherie, in fact natatandaan namin, hindi nila gusto ang unang nanligaw kay Cherie noon. Hindi pa naman artista noon si Cherie.
Ang unang public exposure ni Cherie ay sa isang concert ng erpat nilang si Eddie Mesa na kasama silang tatlong magkakapatid. Tapos nga si Cherie ay kinuha ni Elwood Perez at isinama sa pelikula niyang Beerhouse. Unang ini-launch si Cherie bilang lead star ng Regal Films sa isang pelikula rin ni Elwood, iyong Problem Child. Pagkatapos niyon nagkasunod-sunod na ang mga pelikula ni Cherie.
Nalinya siya sa mga kontrabida role, pero natatandaan namin ang isang kuwento na madalas ikuwento sa amin ni Kuya Leroy Salvador, na gusto niyang gawing pelikula. Ang totoo buhay iyon ng isang singer na nakasama nila noong panahon pa ng Vaudeville, pero fictionized nang kaunti at ang magiging title sana ay TV Star. Desidido na ang producer na si Mina Aragon na simulan iyon, pero nagkaroon ng problema si Cherie, at hindi na iyon natuloy.
Marami ang nanghihinayang na ang isang mahusay na aktres na kagaya ni Cherie ay napaka-agang nawala dahil sa cancer. Pero ganoon yata talaga ang buhay.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com