HATAWAN
ni Ed de Leon
TAMA ang desisyon ni Enchong Dee na kusang sumuko sa NBI kaugnay ng isang warrant na ipinalabas ng RTC sa Davao Occidental dahil sa kasong cyber libel na isinampa laban sa kanya ni Congw. Claudine Bautista Lim. Hindi nai-serve ang warrant noong January 26 dahil hindi natagpuan si Enchong sa address na nakalagay sa warrant.
Iyon pala ay isang dorm sa Cubao na umano si Enchong ang may-ari, pero hindi naman siya roon nakatira.
Kung hihintayin ni Enchong na abutan pa siya ng sheriff at ng mga pulis na magse-serve ng warrant, city jail ang tiyak na bagsak niya. Isipin ninyo kung ano ang posibleng mangyari kay Enchong kung napasok siya sa city jail. Kaya wise na sa NBI siya sumuko. Na-detain naman si Enchong ng ilang oras lamang, dahil mabilis na naayos ang kanyang piyansa dahil may night court naman ang Quezon City na roon sila nakapaglagak ng bail para sa kanya kahit na lampas na ang office hours. Kung nagkataon, magtatagal siya talaga roon dahil holiday nga kahapon dahil sa Chinese New Year.
Sa ilang idenemanda ni Bautista Lim, si Enchong lang ang nadiin. Ang nagdiin sa kanya ay sarili rin niya.
Gumawa siya ng isang public apology na inilabas niya sa Twitter, na inamin niya na ang kanyang naging statement sa kasal ng kongresista at ang iba pang bintang ay isang “reckless” comment.
Tiyak na ginawa iyon ni Enchong nang walang gabay ng abogado sa paniwalang basta nag-apologize siya ay ayos na iyan at hindi na itutuloy ang demanda.
Iyang public apology at tuwirang pag-amin na mali ang ginawa mo, ginagawa lang iyan sa tulong ng isang abogado at kung iyon ang hinihingi ng offended party. Kung hindi ay ganyan nga, iyon pa ang
magagamit laban sa iyo dahil inamin mo nang mali ang ginawa mo. Sa mga
ganyang kaso, hindi puwede iyong kung ano lang ang maisipan mo, o maipayo sa iyo ng isang hindi naman abogado at walang nalalaman sa batas ang gagawin mo. Kailangan basta may kaso, o may nagbabantang kaso, hindi ka kikilos habang wala kang abogado. Kaya nga iyong mga nahuhuli na eh, tinatanong pa ng pulis kung may abogado o wala. Kung
wala ikukuha nila ng abogado sa PAO para tumulong at sinasabi nila, “ano man ang sasabihin mo ay maaaring gamitin pabor o laban sa iyo pagdating sa korte.”
Pero pasalamat na lang si Enchong, hindi niya natikman kahit na sandali na mapasok sa city jail.