Saturday , October 5 2024

Gen. Danny Lim at MMDA pinagtatawanan, iniinsulto; Illegal terminal, balik na!

BALIK na ang raket na illegal terminal ng mga pampasaherong bus at van sa Bgy. 659-A na sakop ni sharewoman, ‘este, Chairwoman Ligaya V. Santos sa Plaza Lawton at Liwasang Bonifacio sa Maynila.

Kumalat sa social media nitong Lunes (Nov. 21) at Martes (Nov. 22) ang mga kuhang larawan na makikitang mas dumami pa ang mga nakaparadang bus at van sa Plaza Lawton at Liwasang Bonifacio ngayon kaysa bago isinagawa ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang pagbuwag noong October 25 sa pesteng illegal terminal sa barangay ni Santos.

Ang pagbabalik ng salot na terminal ay patunay sa tahasang pagmamatigas ni Santos at mga kasamahang opisyal sa barangay na pinagbantaang kakasuhan ni retired Army Scout Ranger at ngayo’y MMDA chairman Gen. Danilo “Danny” Lim kapag muling nagbalik sa sagradong lugar ang binuwag na illegal terminal.

Sa panayam ng isang pang-umagang programa ng Radio DZMM ay nagbanta si Gen. Lim na kakasuhan ang mga opisyal ng Bgy. 659-A matapos makarating sa kanya ang ulat na balik sa dati ang illegal terminal, isang linggo matapos niyang pangunahan ang pagbuwag dito.

Ayon kay Gen. Lim, kanyang irerekomenda ang pagsibak sa mga opisyal ng barangay sa bisa ng memorandum of agreement (MOA) o kasunduan na nilagdaan sa pagitan ng MMDA at ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Sabi pa nga ni Gen. Lim sa naturang panyam, lihim siyang nagpakalat ng bantay para iparating sa kanya sakaling muling makabalik sa Lawton ang salot na terminal.

Anyare, natutulog ba sa pansitan ang mga itinalagang MMDA intel ni Gen. Lim o talagang kasama sila sa raket?

Ano sa palagay mo, MMDA Asst. Gen. Ma­nager Jojo Garcia na puro satsat?

Aba’y mapaghihinalaan na ang naunang pagbuwag sa illegal terminal noong nakaraang buwan ay isang ‘senakulo’ lang kahit hindi naman Mahal na Araw!

Para que na nagbanta si Gen. Lim kung wala naman siyang sinasampahan ng kaso sa mga opisyal na dapat ay responsableng magpatupad ng kaayusan sa barangay na may sakop sa Lawton?

Eto ang masaklap, narinig ng ilang impormante na pinagtatawanan pa raw si Gen. Lim sa barangay ng mga damuhong nasa likod ng matagal nang raket na illegal terminal sa paligid ng Plaza Lawton.

Sa mga kumalat na larawan sa social media ay kita ang patrol car ng Manila Police Ditrict (MPD) na nagsisilbing bantay at proteksiyon ng illegal terminal na direkta umanong nag-aakyat ng mala­king “tongpats” at nagpapataba sa bulsa ng mataas na opisyal sa City Hall.

Agad nating ipinadala ang kopya ng mga kuhang larawan sa FB page na “General Danny Lim” isang account na sumbungan ng publiko, upang iparating sa kaalaman ng MMDA at ni Gen. Lim na balik sa dating gawi ang illegal terminal.

Narito ang magkahiwalay na tugon na ating natanggap mula sa nasabing FB page ni Gen. Lim:

“Salamat po sa report. Assistant po ito ni chairman, hayaan nyo po at atin po itong ipaparating sa kanya para po ma check ang nasabing area. [RJS]” – (Nov. 22).

“Salamat po sa report. Assistant po ito ni chairman, hayaan nyo po at atin po itong ipaparating sa kanya para po ma check ang nasabing area. [RJS]” – (Nov. 23)

Ginawa lang naman natin ang ating tungkulin bilang responsableng mamamayan at mamamahayag para makatulong, bagay na dapat ay ginagampanan ng mga nasa pamahalaan.

Kadalasan kasi, ang mga tulad pa natin ang nasisisi kapag tinatawagan ng pansin ang mga nasa pamahalaan sa mga baluktot at katiwalian na ating nakikita, gayong sila ang nakikinabang at nakikipagsabwatan kaya’t may mga umaabuso at lumalabag sa batas.

Kaya nga hindi nasusugpo ang problema sa droga at mga tiwarik na gawin, kasama na ang illegal gambling, dahil kasamang nakikinabang ang mga awtoridad at nasa pamahalaan.

Puwes, subukan natin kung magagamit ni Gen. Lim ang bagsik at tikas na kanyang ipinamalas sa mga kudeta noon laban sa pagmamatigas ng mga opisyal sa Bgy. 659-A at para sa totohanang pagbuwag sa sindikatong nasa likod ng illegal terminal sa Lawton.

Abangan!!!

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

About Percy Lapid

Check Also

AKSYON AGAD ni Almar Danguilan

Mapayapang eleksyon, target ni PRO3 RD PBG Maranan

AKSYON AGADni Almar Danguilan UMUPO na bilang Regional Director ng Police Regional Office (PRO) 3 …

Sipat Mat Vicencio

Laban ni FPJ:  Inumpisahan ni Grace, tatapusin ni Brian

SIPATni Mat Vicencio NAGSIMULA ang ‘laban’ ni Senator Grace Poe nang bawian ng buhay ang …

YANIG ni Bong Ramos

Vendors muling nag-hari sa Blumentritt

YANIGni Bong Ramos MULI na namang namayagpag ang mga vendor sa kahabaan ng kalyeng Blumentritt …

FIRING LINE ni Robert B. Roque, Jr.

Delusional, kung ‘di man desperada

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. DELUSIONAL na marahil ang ating Bise Presidente, si Inday …

AKSYON AGAD ni Almar Danguilan

Suwerteng QCitizens, bibilhan ng condo ni Mayor Joy B.

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAPAKASUWERTE talaga ng QCitizens sa pagkakaron ng isang Alkalde na ang …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *