







MAKIKITA ang mga opisyal at staff ng Philippine Embassy – Bahrain, Department of Migrant Workers (DMW), at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) habang tinutulungan ang mga overseas Filipino workers (OFW) mula sa iba’t ibang bansa sa Middle East sa kanilang repatriation pauwi sa Filipinas. (Mga larawan mula sa OFWs)
“LIGTAS na kami sa mga nanunugis na missiles pero parang hahabulin ako ng epekto ng gera sa pag-uwi ko sa Filipinas.”
Ganito isinalarawan ng isang repatriated overseas Filipino worker (OFW) ang kanyang nararamdaman nang siya’y bumababa sa eroplano sa Villamor Airbase, Pasay City mula sa Riyadh, Saudi Arabia.
Sa loob nang mahigit isang dekada, naging pangalawang tahanan ni Nurse G. (mungkahi niyang ipangalan sa kanya), 40 anyos, ang Bahrain. Bilang nurse sa Dr. Hasan Haji Medical Center mula pa noong 2011, nasanay siya sa sistema ng buhay sa ibang bansa—malayo sa pamilya pero may seguridad sa trabaho at mas mataas ang kita kaysa sariling bansa.
“Sa una mahirap mag-adjust sa culture at language,” panimulang kuwento ni Nurse G.
“Pero masasabi ko, mababait ang mga Bahraini. Edukado sila at karamihan marunong mag-English. Parang Filipinas lang ang pakiramdam ko sa trabaho.”
Ngunit sa kabila ng maayos na kalagayan, hindi maiiwasan ang pinakamabigat na pagsubok ng isang OFW—ang homesickness. Bahay at trabaho ang naging mundo niya araw-araw, habang pilit inuunawa ang iba’t ibang lahi at ugali ng mga kasamahan sa trabaho.
Sa loob nang mahigit isang dekada, malaki ang naitulong ni Nurse G., sa kabuhayan ng pamilya. Isa sa pangarap niyang magkaroon ng sariling bahay kaya patuloy siyang nagpapabalik-balik sa Bahrain upang makapag-ipon para rito.
Dahil nakatapos na sa pag-aaral ang mga kapatid, panatag si Nurse G., na madali niyang matutupad ang pinapangarap na bahay.
Ngunit sa gitna ng pag-asam, dumating ang isang krisis sa mga bansa sa Middle East na hindi inaasahan.
Hindi nagtagal, napalitan ng takot ang payapa sanang pagtatrabaho ng mga OFW sa nasabing rehiyon.
Sa gitna ng tumitinding tensiyon sa Gitnang Silangan, dulot ng palitan ng banta at opensiba sa pagitan ng US/Israel laban sa Iran, nadamay ang iba pang bansa kung saan mayroong base ang mga Amerikano.
Unti-unting naramdaman ang epekto nito sa Bahrain. Bagama’t hindi sentro ng labanan, itinuturing itong sensitibong lokasyon dahil sa mga oil facilities at strategic installations sa Gulf region—kaya’t hindi rin ligtas sa posibleng pag-atake.
Sunod-sunod na pagsabog ang naranasan ni Nurse G., at ng iba pang OFW. Aniya, hindi na lamang mga pasilidad ang pinangangambahan kundi maging ang mga residential areas.
“Kapag may siren sa labas at warning sa telepono, kasunod no’n malakas na explosion. Yumayanig ang bintana at bubong. Nakakatakot,” aniya.
Sa bawat pag-alingawngaw ng sirena, kasabay ang matinding kaba—isang paalala na anumang oras, maaaring may sumabog sa kalapit na lugar. Ang mga gabing dati’y payapa ay napalitan ng pagpupuyat pero mas madalas ay walang tulog. Abot-langit ang pangamba. Hanggang ang dating normal na buhay ay unti-unting napalitan ng takot at kawalang-katiyakan.
Sa una, pinili niyang manatili. Iniisip niya ang kawalan ng trabaho sa Filipinas at ang responsibilidad sa pamilya. Ngunit habang lumalala ang sitwasyon at halos hindi na sila makatulog sa gabi dahil sa takot, napilitan siyang magdesisyon na umuwi.
Nagpalista siya sa Philippine Embassy para sa voluntary repatriation. Ilang araw ang lumipas bago siya tinawagan upang tiyakin ang kanyang desisyon at sumailalim sa background check upang matiyak na wala siyang kaso o obligasyon sa Bahrain.
“Fortunately, napili ako sa second batch,” aniya.
Lubos ang pasasalamat ni Nurse G., sa mga tumulong sa kanila sa Bahrain. “Sobrang pasalamat namin sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Bahrain at sa Philippine Embassy officers. Lahat sila sumama sa amin hanggang Saudi para masigurong ligtas kami,” kuwento niya.
Hindi naging madali ang kanilang pag-uwi. Isa sa pinakadelikadong bahagi ng biyahe ang pitong oras na land travel mula Bahrain patungong Riyadh, Saudi Arabia—dumaraan sa eastern region na sinabing target ng missile attacks.
“Disyerto ang daraanan, madilim, at kahit anong oras puwedeng may sumalubong na missile. ‘Yun ang pinakanakakatakot na parte,” aniya.
Sa kabila nito, naging maayos ang kanilang biyahe kaysa iba. “Nagkagulo raw sa Kuwait at Qatar—may nawalan pa ng luggage. Sa amin, wala naman naging aberya,” dagdag niya.
Pagdating sa Filipinas, ibang hamon naman ang kanilang hinarap.
Ibinahagi ni Nurse G., ang kanyang pagkadesmaya sa naging proseso sa Maynila. Aniya, naging magulo at mabagal ang pag-asikaso ng mga dokumento. Kinailangan pa umano ng matinding panawagan mula sa ilang OFW bago bumilis ang proseso.
May mga dumating na pagod, puyat, at emosyonal mula sa karanasan sa gitna ng gera, kaya’t inaasahan sana nila ang mas maayos at sensitibong pagtugon. Sa kabila ng mga nasabing karanasa, nananatili ang panawagan na mas mapabuti pa ang sistema ng pagtanggap at pag-asikaso sa mga repatriated OFWs sa bansa.
Sa ngayon, walang trabaho si Nurse G. Bilang panganay at isa sa inaasahan ng pamilya, ramdam niya ang bigat ng pagbabagong ito. “Kailangan namin magtipid habang naghahanap ako ng trabaho,” aniya.
Isa sa kanyang kinakaharap na adjustment ay ang mataas na gastusin sa bansa—lalo na sa koryente at transportasyon. “Hindi puwedeng mag-aircon araw-araw. Iba talaga ang buhay dito kompara sa Bahrain.”
Ang dati niyang pangarap na makabili ng bahay ay pansamantalang naisantabi dahil sa nangyaring gera.
Sa kabila ng lahat, nananatili siyang matatag at determinado. Plano niyang makahanap ng trabaho habang may natitira pa siyang ipon.
Nagbigay rin siya ng mensahe para sa kapwa OFW. “Kaya pabalik-balik ang iba sa abroad dahil malaki ang diperensiya ng suweldo. Mas madaling makapag-ipon doon. Lalo sa mga nurse, pangarap talaga ang makapag-abroad.”
Ngunit may babala rin siya: “Sa ngayon, iwasan muna ang Middle East. Mukhang matagal pa ang gera.”
Nagpahayag din siya ng pasasalamat sa mga ahensiyang tumulong sa kanila. “Mabilis kumilos ang Migrant Workers Office (MWO) at OWWA. Ginawa nila ang makakaya nila para mailigtas kami.”
Sa huli, nananatili ang pananalig ni Nurse G: “Dasal ang ating sandata. Huwag matakot humingi ng tulong sa Embassy. Mag-iingat po tayong lahat at sama-sama nating ipagdasal na matapos na ang gulong ito.”
Mula sa takot at panganib, hanggang sa panibagong simula sa sariling bayan—ang kuwento ni Nurse G., ay sumasalamin sa tibay ng loob ng mga OFW na patuloy na lumalaban para sa pamilya at kinabukasan.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com