SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
MAKABULUHAN ang ginanap na summer outing at bonding ng grupong Society of Philippine Entertainment Editors (SPEED) sa La Casa Maranan sa Tagaytay kamakailan.
Sa kagandahang-loob ng may-ari ng La Casa Maranan (na mayroon pang isang sangay sa Lemery, Batangas) na si Engr. Johnny Maranan, nagkaroon ng pagkakataon ang mga miyembro ng SPEED na makapag-relax at mapagtuunan ng oras ang pagpapatibay sa samahan ng grupo.
Napag-usapan din ang mga paghahanda sa ginanap na Speed Cares Outreach program noong May 30 sa isang restoran sa Quezon Ciry para sa mga retirado at hindi na aktibong manunulat na may mga pinansiyal at medikal na pangangailangan.
Bagama’t pansamantalang nagkaroon ng break ang grupo, sinulit pa rin ang pagkakataon na mapag-usapan ang paghahanda sa nalalapit na 9th EDDYS na gaganapin sa July 5, 2026 sa Grand Ballroom ng Marriott Hotel.
Bago bumalik sa Maynila, hindi na rin pinalagpas ng SPEED members ang pagdalaw sa bahay ng mga magulang ni Jolina Magdangal na sina Daddy Jun at Mommy Baby Magdangal sa Tagaytay.
Muling binalikan sa masayang kuwentuhan ang kabataan ni Jolina, kung paano napasok sa showbiz at ang mga nakatutuwang kuwento tungkol sa pagiging fashionista ng aktres na inidolo ng maraming kabataan noong kanyang henerasyon.
Malaking tulong ang naging ambag ng mga kaibigang nagpadala ng kanilang suporta para sa SPEED Summer Outing tulad ng CEO ng Beautederm na si Ms. Rei Anicoche Tan na laging bukas ang palad sa pagbibigay, gayundin ang mag-inang Tates Gana at Harvey Bautista, Atty. Rey Bergado ng InnerVoices, Ms. Cora De Guzman, Eduard Bañez, at Nikka Baun ng JNE Events at Ms. Cecille Bravo ng Intele Builders.
Maraming salamat din sa pa-kape ng kasamahan naming miyembro sa SPEED na si Nathalie Tomada ng Philippine Star na nagdiwang ng kanyang kaarawan noong Mayo 21 at sa mga ipinadalang masasarap na tinapay ni Mommy Tine Ariola ng Bait Lehem.
Pagkatapos ng makabuluhang araw, mas magiging abala na ang pamunuan ng SPEED sa paghahanda para sa mga susunod na aktibidad na gagawin ng grupo.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com