CHALLENGING ang unang pagsabak ni JJ Rivera Ahaja sa drama ng mainstream TV. Isang special child ang ginampanan niyang role na anak ng character ni Glaiza de Castro.
Nakatutuwang isa-isa nang natutupad ang pangarap ng Grand Champion ng Little Mister Kids of the World Philippines 2026.
Nabanggit kasi sa amin minsan ni JJ nang makahuntahan namin ito na isa sa pangarap niya ang maging isang mahusay na aktor. Kaya nga bago niya pinasok ang showbiz kabi-kabila ang pagdalo niya ng workshop.
Tila naging safe haven pa nga ni JJ ang pagwo-workshop dahil kapansin-pansin na sobra ang saya niya kapag kasama ang mga kaibigan doon.
Kaya naman bagamat mahirap ang karakter na ginampanan ni JJ sa Tadhana nagawa niya iyon ng maayos. Hindi rin naman kasi basta-basta ang mga kasama niya sa naturang palabas.
Bale tatlong Sabado ng hapon mapapanood si JJ sa Tadhana at maraming mangyayari sa kanya na hindi muna namin puwedeng ikwento para walang spoiler alert.
Sa episode na My Husband’s Wedding ay matutuklasan ni Grace (Glaiza de Castro) na ang kanyang asawang si Daniel (Juancho Triviño) na isang OFW ay magpapakasal pa sa iba (Vaness del Moral) kahit kasal na silang dalawa. Dahil dito ay maaapektuhan ng husto ang anak nilang si Jayjay.
Tumutok tuwing Sabado ng hapon para mapanood si JJ sa Tadhana sa episode na My Husband’s Wedding na mula sa panulat ni Charlotte Dianco at idinirehe ni Adolf Alix.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com