NAG-DONATE si Madonna ng $1.1-M sa isang foundation na pinamumunuan ng mag-asawang Melissa at Bill Gates na nagsasaliksik ng bakuna at gamot laban sa Covid-19, kasabay nang pag-amin n’yang siya mismo ay dinapuan ng virus noong huling linggo ng Pebrero habang siya ay nasa Paris.
Noong Abril pa ini-announce ng global Queen of Pop sa pamamagitan ng Instagram n’yang @madonna ang pagdo-donate sa Bill & Melinda Gates Foundations’ Therapeutics Accelerator Program. Gayunman, ngayon pa lang naibalita sa mundo ang pagkakasakit n’ya at pagdo-donate.
Dahil sa pagkakasakit n’yang iyon kaya isa lang sa tatlong naka-iskedyul n’yang concert sa Paris ang nagawa n’ya. Ilan sa staff ng concert n’ya ang dinapuan din ng virus.
Noong nagkasakit siya ay ‘di n’ya alam na ang novel corona virus ang nakadale sa kanya. Ang unang tawag n’ya sa naging sanhi ng pagkakasakit n’ya ay “anti-bodies.” Akala n’ya ay simpleng trangkaso (flu) lang ang dumapo sa kanila.
Nang malaman n’yang ang Covid-19 na sanhi ng pandemic ang umatake sa kanya, at napag-alaman din n’yang nakahahawa at nakamamatay ang virus, binago n’ya ang lifestyle n’ya para maprotektahan ang mga anak n’ya, pati na ang buong mundo.
Pahayag n’ya sa Ingles, “I must admit, it took me time to accept and process and modify my own lifestyle so I can protect the lives of my family, myself and the rest of the human race… I cannot express enough the importance of people taking this virus seriously.”
Binigyang-diin n’yang magaling na siya. Pero payo n’ya sa buong mundo, “I know many of you have heard this one trillion billion times. But I’m going to say it again: stay safe. Stay home.
“Don’t panic. Fear will get us nowhere. I have faith in the human race that we are gonna pull through.”
KITANG-KITA KO!
ni Danny Vibas