ni Gerry Baldo
SINABI ng isang mambabatas ng Makabayan Bloc na lumalalim ang pangamba sa posibleng pag-absuwelto kay VP Sara dahil sa bagong mayorya sa Senado na hayagang nakakiling sa mga Duterte.
Nagbabala nitong weekend si KABATAAN Party-list Rep. Renee Co na lalo pang tumitindi ang pangamba ng publiko hinggil sa impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte matapos ang pagbabago ng liderato sa Senado.
Ayon sa kanya, malawak ang pananaw ng publiko na ang bagong mayorya ay hayagang kaalyado ng Bise Presidente at maaaring magdulot ng pagkaantala, pagpapahina, o pagmaniobra sa proseso tungo sa pag-absuwelto kay Duterte.
Si Co, na miyembro ng House Committee on Justice, ay nagsabing hindi na lamang nakatuon ang pangamba ng maraming Filipino na kung magko-convene ba ang Senado bilang impeachment court, kundi kung pahihintulutan bang magpatuloy nang buo, patas, at walang maniobrang procedural ang paglilitis.
“May bahagi na ‘yun ‘yung agam-agam ng mamamayang Filipino, kasi ano bang mga effects ng pagpapalit ng Senate leadership? May nakita akong tatlong posible. Lalo na’t ‘yung bagong majority publicly aligned with VP Sara Duterte at noong 19th Congress ay nagpasa ng mga mosyon para ipatigil mismo ang trial proper, whether that’s motion to dismiss o motion na pagbotohan kung magko-convene ba tayo bilang impeachment court,” paliwanag ni Co sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City.
Ayon kay Co, unang ikinababahala ang posibleng pagkaantala ng proseso, lalo na kung muling bubuksan ng mga senador ang usapin sa kahulugan ng salitang “forthwith” o kung gaano kabilis dapat kumilos ang Senado matapos matanggap ang Articles of Impeachment mula sa Kamara.
“Una, delay in the process. ‘Yung reinterpretation ng word forthwith,” ani Co.
Ikalawang pangamba naman aniya ay ang mismong takbo ng paglilitis, kung saan maaaring gamitin ang mga procedural vote upang tanggapin, isaalang-alang, o tuluyang tanggihan ang mahahalagang ebidensiya.
“Number two, ‘yung conduct of the trial itself. Ano bang nakita natin sa kasaysayan? Nakita natin noong impeachment trial ni dating Pangulong Joseph Estrada na nagkaroon ng diskusyon ang Senado kung bubuksan ba nila ang envelope na naglalaman ng ebidensiyang dapat sana’y ikonsidera ng impeachment court para matukoy kung guilty o hindi si dating Pangulong Estrada,” sabi ni Co.
Sinabi ni Co na nangangamba ang maraming Filipino na maaaring maulit ang kahalintulad na maniobra hinggil sa ebidensiya sa impeachment trial ni Duterte kung pipiliin ng mayorya sa Senado na protektahan ang Bise Presidente.
“Will we see the same for this trial? Sana naman hindi,” dagdag niya.
Ayon pa kay Co, ang ikatlo at pinakamalaking pangamba ay ang posibilidad na maabsuwelto si Duterte kung papanig sa kanya ang sapat na bilang ng mga senador sa kabila ng mga ebidensiyang iniharap ng Kamara.
“Kaya ’yan ang iniisip ng mga mamamayang Filipino and even ‘yung number three, ‘yung resulta. Botohan, two-thirds ‘yung kailangan. Kung meron lang sapat na numero baka in the end ma-acquit si VP Sara,” babala ni Co.
Iginiit ni Co na sinimulan na ng Kamara ang prosesong itinakda ng Konstitusyon at dapat itong igalang hanggang sa huli nang hindi binabaluktot ang batas o mga alituntunin upang pahinain ang paglilitis.
“So anyway, ang sa atin naman nagsimula na tayo ng proseso, galangin hanggang dulo at mangyayari ‘yung bawat hakbang ng proseso sa paraang hindi binabali at binabaliktad ang batas at regulasyon,” diin niya.
Nang tanungin kung maaaring sundan ng mga senador na maka-Duterte ang pagbasura sa impeachment case bilang walang basehan, sinabi ni Co na maaaring magkakaiba ang posisyon ng mga senador—mula sa pagpapahintulot sa paglilitis ngunit minamaniobra ang mga mosyon, hanggang sa tuluyang pagharang sa proseso.
“Baka may range of stances sila. May ilan na hahawak sa posisyon na dapat may trial pa rin magpatuloy kahit paano, pero sa loob puwedeng mani-obrahin ang motions pabor kay VP Sara. Meron namang poposisyon na huwag na talagang gawin ang trial,” ani Co.
Pinanindigan ni Co na ang Articles of Impeachment ay nakabatay sa mga pampublikong rekord at dokumento ng gobyerno, hindi sa haka-haka o gawa-gawang akusasyon.
“Pero ang sa atin naman, klaro at every step of the way, public records ang hawak natin. Government documents ang hawak natin para masabi na may basehan ang impeachment offenses na isinampa laban sa kanya at dapat itong maiproseso sa isang full-blown trial,” dagdag niya.
Kabilang sa mga paratang laban kay Duterte ang umano’y maling paggamit ng confidential at intelligence funds, unexplained wealth, umano’y panunuhol, at mga pagbabanta—mga reklamong inendoso ng House Committee on Justice matapos ang serye ng pagdinig na humantong sa pag-aproba ng Articles of Impeachment.
“So andyan ‘yung confidential and intelligence funds, na mismong COA na ang naglabas ng mga desisyon at maging sa apela ni VP at ng OVP ay may nakita silang hindi naaayon sa memorandum hinggil sa paggasta at may ipinapabalik sa kaban ng bayan. Mayroon din ‘yung unexplained wealth, ‘yung P6.7 bilyon na na-flag ng AMLC bilang covered at suspicious transactions,” paliwanag ni Co.
Aniya, hindi dapat maliitin ang halagang iniulat ng AMLC dahil ito ay nagmula sa opisyal na mekanismo ng pag-uulat na may kapangyarihang mag-flag ng covered at suspicious transactions.
“Malaki iyon, hindi patumpik-tumpik at hindi basta hinugot lang kung saan-saan na numero. Empowered ang AMLC na tumanggap mula mismo sa mga banko ng mga report na nagfa-flag ng ganitong klaseng transactions,” diin niya.
Binanggit din ni Co ang umano’y mga pampublikong pagbabanta ni Duterte, na aniya’y nakaaalarma at dapat masuri sa isang ganap na impeachment trial.
“And even ‘yung outright statements na sinasabi sa mamamayan, papatay siya ng tao. Nakaaalarma ‘yun ‘di ba?” dagdag niya.
Nagpahayag si Co ng kompiyansa na matibay ang rekord ng Kamara laban sa mga pagtatangkang ibasura ang impeachment case bilang walang basehan dahil dumaan umano ang mga ebidensiya sa wastong proseso ng komite bago isumite para sa paglilitis sa Senado.
“So, ‘yan lahat public records ‘yan. Dumaan sa mahabang proseso para sumunod sa rules of evidence bago isumite sa House Committee on Justice at sa Senado para mag-convene bilang impeachment court,” ani Co.
Aniya, inaasahan na nila ang mga pag-atake laban sa impeachment case ngunit sapat na matibay ang rekord upang sagutin ang mga alegasyong walang basehan ang mga kaso.
“May mga magsasabi nang ganyan pero confident tayo na dumaan ito sa proseso kaya hindi basta maibabato ang ganoong akusasyon,” pagtatapos ni Co.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com