ni TEDDY BRUL
DESMAYADO nang talaga ang publiko sa mga balitang nangingibabaw sa mga online platform hinggil sa mga usaping pampolitika sa Senado.
Para sa maraming mamamayan, ang pambansang politika ay tila nagiging isang teleseryeng higit na nakatuon sa tunggalian, intriga, at maniobrang pampolitika kaysa pagtalakay sa mga suliraning may direktang epekto sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.
Ito ang binigyang-diin ni labor lawyer Ernesto R. Arellano, tagapangulo ng National Confederation of Labor (NCL), kaugnay ng sunod-sunod na pampolitikang alitan, iringan, at agawan ng impluwensiya sa mataas na kapulungan sa mga nakalipas na linggo.




MGA MAMBABASA AT TAGASUPORTA NG PINGKIAN. Maraming lider-manggagawa, kinatawan ng mga komunidad ng maralitang tagalungsod at informal settler families, mga manggagawang paralegal, akademiko, at mga tagapagtaguyod mula sa mga non-government organization (NGO) ang nagbasa at nagpakita ng kopya ng PINGKIAN, isang pahayagang inilalathala tuwing dalawang buwan na nagtatampok sa mga pakikibaka, kampanya, at mahahalagang usaping kinahaharap ng mga lokal na unyon ng manggagawa at mga komunidad ng maralitang lungsod. (TEDDY BRUL)
Ayon kay Arellano, kapansin-pansin na malaking bahagi ng nilalaman ng online news ay umiikot sa mga sensasyonal na pahayag, personal na pag-atake at mga ulat na nakasandig sa intriga. Sa halip na bigyang-puwang ang masusing pagtalakay sa kalagayan ng mamamayan, mas pinahahalagahan ng maraming news platform ang online engagement, dami ng komento at digital traffic.
Bunsod nito, lalong nalilikha ang isang nakalalasong kapaligiran ng impormasyon kung saan nagiging sentro ng diskurso ang sigalot ng mga politiko habang naisasantabi ang mga usaping mahalaga sa sambayanan. Sa social media, lumalawak ang bangayan ng mga tagasuporta ng magkakatunggaling kampong pampolitika habang nababawasan ang espasyo para sa makabuluhang talakayan.

BINABASA ang Pingkian ni Dr. Rene E. Ofreneo, Professor Emeritus at dating Dekano ng University of the Philippines School of Labor and Industrial Relations (UP SOLAIR). (TEDDY BRUL)
Ipinaalala ng NCL na ang mga karaniwang Filipino, anuman ang kanilang pampolitikang paninindigan, ay magkakatulad ang pangunahing suliranin: trabaho, sahod, pabahay, transportasyon, serbisyong pangkalusugan, at patuloy na pagtaas ng gastos sa pamumuhay.
Ayon sa grupo, ang pag-iral ng komersiyalisasyon sa digital journalism ay lalong nagpapalubha sa problema. Sa mahigpit na kompetisyon para sa clicks, kita sa advertising at visibility na itinutulak ng algorithm, mas napapaboran ang mga balitang nagdudulot ng galit at kontrobersiya kaysa mga ulat na nagpapaliwanag ng mga polisiya, naglalantad ng mga suliraning panlipunan at naghahanap ng mga konkretong solusyon.
Ngunit hindi ang mga pampolitikang palabas ang pangunahing alalahanin ng sambayanan. Ang nais malaman ng mamamayan ay kung paano haharapin ang mga problemang sumasalanta sa kanilang kabuhayan at kinabukasan.

MAGKASAMA sa larawan sina labor lawyer Ernesto R. Arellano (gitna) at mag-asawang Gerardo at Sally Bulatao, kapwa beterano ng panahon ng First Quarter Storm (FQS) at magkatuwang sa kilusang pampolitika noong unang bahagi ng dekada 70. Pinuri ng mag-asawang Bulatao ang PINGKIAN sa patuloy nitong pagbibigay-liwanag sa mga usapin ng manggagawa at mga pakikibaka ng mga komunidad sa batayang antas. (TEDDY BRUL)
Sa hanay ng mga manggagawa, mahalagang usapin ang makabuluhang umento sa sahod, pagbuwag sa sistemang regional wage board, seguridad sa trabaho, karapatang mag-unyon, at pagwawakas sa kontraktuwalisasyon.
Patuloy na nangangamba ang maraming manggagawa sa retrenchment at iba pang anyo ng pagbabawas ng empleyo dulot ng corporate restructuring.
Mahigpit na binabantayan ng mga konsyumer ang presyo ng pagkain, langis, tubig, koryente at pasahe. Samantala, inaasahan ng mga komunidad ang agarang pag-usad ng mga programang pabahay, flood-control projects, pagkukumpuni ng mga kalsada, at iba pang serbisyong pampubliko na direktang nakaaapekto sa kanilang kaligtasan at kapakanan.
Patuloy na nakararanas ng banta ng demolisyon at sapilitang pagpapalayas ang maraming maralitang tagalungsod at informal settler families habang nananatiling mailap ang disente at abot-kayang pabahay.
Sa gitna ng lumalalim na krisis sa kabuhayan, tila malayo sa pang-araw-araw na realidad ng mamamayan ang walang humpay na tunggalian sa Senado.
Bilang mga halal na lingkod-bayan, inaasahan ng publiko na higit nilang pagtuunan ng pansin ang mga batas at programang tutugon sa kagyat na pangangailangan ng sambayanan kaysa mga pampolitikang bangayang walang malinaw na pakinabang sa mamamayan.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com