NASA 26 milyong mag-aaral ang inaasahang magbabalik-eskuwela ngayong Lunes, 8 Hunyo, para sa School Year 2026-2027.
Ayon kay Department of Education (DepEd) Assistant Secretary Jocelyn Andaya, hanggang noong Biyernes ng nakaraang linggo, halos 26 milyong mag-aaral na ang nagpa-enroll para sa nasabing taong panuruan.
Inaasahan nilang madaragdagan pa ang bilang dahil mas marami pang mag-aaral ang mag-e-enroll sa sandaling tuluyan nang magbukas ang klase.
“As of Friday last week, we have close to 26 million learners who have already enrolled,” ani Andaya, sa panayam sa radyo. “Alam naminmayroon pa rin mag-e-enroll ngayong pasukan hanggang sa katapusan ng Hunyo.”
Aniya, inaasahan ng DepEd na aabot hanggang 26.4 milyon ang magiging enrollees para sa SY 2026-2027, na kahalintulad noong nakaraang taon.
Ipinaliwanag ni Andaya na may ilang estudyante, partikular ang mga nasa senior high school (SHS), ang hindi kaagad makapagpatala sa klase dahil sa pagtatrabaho o ‘di kaya ay pag-uwi sa mga lalawigan.
Muling tiniyak ni Andaya na tuloy ang pagbubukas ng klase ngayong Lunes sa kabila ng ulat na posibleng magkaroon ng class suspension, na tinawag pa niyang ‘fake news’.
Siniguro rin niya na handang-handa na ang DepEd para tanggapin ang mga mag-aaral sa klase.
“Fake news ‘yan (class suspension). Sabi nga ni DepEd Secretary Sonny Angara, “Handang-handa na tayo sa DepEd para i-welcome ang mga bata at sabihin sa kanila na ang kanilang eskuwelahan ay handa na, ito ay malinis, ito ay maayos, at ligtas sila rito,” pahayag ni Andaya. “Tuloy na tuloy na sa June ang pasukan.”
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com