ni ALMAR DANGUILAN
TINIYAK ng Quezon City Police District (QCPD) na hawak na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng anim na suspek, kabilang ang mastermind at gunman sa pagpaslang sa negosyanteng si Ceferino “Perry” Mariano at sa kanyang driver na si Norberto Orimaco sa Timog Avenue, Quezon City, noong 28 Abril ng taong kasalukuyan.
Sinabi ni QCPD director, P/BGen. Randy Glenn Silvio, inihahanda na ang kasong Murder laban sa mga suspek habang nagpapatuloy ang manhunt operation upang sila ay madakip.
Kabilang sa natukoy ng pulisya ang gunman na bumaril sa negosyanteng si Mariano na mas kilalang alyas Perry, 75, residente sa Mabait St., Barangay UP Teacher’s Village East, Quezon City; at sa driver niyang si Orimaco alyas Cocoy, 51, residente sa Oxford St., E. Rodriguez Sr., Ave., Cubao, sa harap ng GMA sa kanto ng Timog Ave at EDSA Barangay South Triangle, Quezon City, dakong 3:40 ng hapon noong 28 Abril.
Sinabi ni Silvio na taga-Mindanao ang gunman at sinisilip ngayon kung may kinalaman ito sa iba pang mga kaso ng pamamaslang o gun-for-hire operations.
Natukoy na rin ang rider ng motorsiklong ginamit sa pagtakas matapos ang krimen.
Batay sa imbestigasyon, apat pang katao ang nagmanman kay Mariano bago isinagawa ang pananambang.
Ayon sa pulisya, maingat na pinagplanohan ang pagpatay at posibleng may kaugnayan ito sa negosyo ng biktima.
Si Mariano na dating pangulo ng ACKDO ay nagtatag ng Bugsy Promotion para tumuklas ng mga bagong billiard players, alalayan sila at suportahan.
Kabilang sa kanila sina Dennis Orcullo, Antonio Gabica, Roberto Gomez, Ronnie Alcano, Jeffrey de Luna, Jeffrey Ignacio, Jharome Peña, Carlo Biado, Johann Chua, Jerico Banares, Jonas Magpantay, at iba pa.
Binansagang Pinoy Bugsy si Mariano bilang paghahalintulad kay Benjamin “Bugsy” Siegel, ang nasa likod ng pag-unlad ng Las Vegas Strip sa Clark County, Nevada, USA.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com