MATABIL
ni John Fontanilla
SA edad 66, single at patuloy pa ring umaasa at naghahangad na mahahanap ng mahusay na komedyante, Roderick Paulate na matagpuan niya ang taong magmamahal at makakasama niya sa buhay.
Sa isang vlog interview ay inamin ng premyadong aktor na gusto niya nang mag-asawa na mamahalin siya at makakasama niya habambuhay.
“Malay mo naman may magkagusto pa. Welcome.
“Minsan naiisip mo rin na gusto mong may asawa, may mamahalin, may kasama,” wika ni Roderick.
Minsan nga ay napapaisip si Roderick na sana ay may isang taong makakasama niya sa kanyang ups and down, lungkot at saya lalong-lalo na sa kanyang pagtanda.
Hindi nga nito maiwasang maging emosyonal nang sabihin na akala daw ng mga tao ay napaka-strong niya dahil sa magandang takbo ng kanyang career at napaka-masayahing imahe.
“Kasi minsan, kapag masyado ka nang busy at palaging strong sa buhay.
“Nakakalimutan na ng tao na tanungin ka kung ‘okay ka lang ba?’
“Ang tingin nila sa ’yo, Superman ka, hindi ka nasasaktan.
“Ayoko namang magpakita na kawawa ako. Nandiyan ang Diyos, Siya ang kakampi mo,” sabi pa ng aktor.
Nanatiling bukas para kay Kuya Dick ang posibilidad na makatagpo ng taong mapapangasawa, makakasama, at magmamahal sa kanya hanggang sa kanilang pagtanda.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com