NASAKOTE ng mga awtoridad ang isang babaeng sangkot sa isang online paluwagan scheme sa lungsod ng Cabanatuan, lalawigan ng Nueva Ecija, nitong Linggo, 7 Hunyo.
Ayon kay P/Col. Ritchie Claravall, Provincial Director ng Nueva Ecija PPO, ang 26-anyos suspek na online seller ay sinasabing nangolekta nang malaking halaga ng pera mula sa ilang indibiduwal na sumali sa kaniyang online paluwagan na may pangakong tatanggap ng nakatakdang payout at pinansiyal na kita.
Ngunit iniulat ng mga nagrereklamo na sa kabila ng malaking halaga ng pamumuhunan, ang mga ipinangakong payout ay hindi nailabas sa takdang oras.
Isiniwalat sa inisyal na imbestigasyon na ang mga biktima ay sama-samang namuhunan nang halos P6,165,000, habang ang inaasahang payout na hindi nailabas ay umabot na sa P1,130,000.
Kabilang sa mga nagreklamo ang isang tauhan ng AFP, mga negosyante, isang online seller, at isang estudyante na hindi nakatanggap ng kanilang kaukulang payout sa ilalim ng nasabing scheme.
Dinala ang suspek sa Cabanatuan City Police Station (CPS) para sa wastong dokumentasyon at disposisyon, habang inihahanda ang mga kaukulang kaso para sa pagsasampa sa tanggapan ng tagausig.
Pinaalalahanan ni P/Col. Claravall ang publiko na mag-ingat sa pagsali sa mga online investment at paluwagan scheme at beripikahin ang pagiging lehitimo ng mga organizer bago ipuhunan ang kanilang pinaghirapang pera. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com