IPINASA sa kaukulang awtoridad ang flood control contractor na si Pacifico “Curlee” Discaya nitong Lunes, 8 Hunyo, kasunod ng pag-isyu ng warrant of arrest ng Malolos City Regional Trial Court (RTC) para sa non-bailable na kasong P53.9 milyong malversation of public funds.
Si Discaya, nakakulong sa Senado simula noong nakaraang taon, ay isinuko sa Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Isinagawa sa Senado ang proseso ng booking, kabilang ang health checkup, fingerprinting, at pagkuha ng mugshots.
Nakasuot ng kulay kahel na uniporme ng detenido, naka-arm sling, at naka-cast ang kanang braso ni Discaya dahil sa katatapos na medical procedure, kaya hindi nakaposas.
Sa opisyal na detensiyon, umabot na sa siyam ang naaresto mula sa 11 indibiduwal na sinampahan ng kasong malversation of public funds, kabilang ang asawa ni Discaya na si Sarah, na naunang nakakulong sa Lapu-Lapu, Cebu.
Sa 11 akusado, sinabi ni CIDG Deputy Director for Administration P/Col. Ranie Hachuela, dalawang respondents pa ang nananatiling nakalalaya.
Nagsampa ang Office of the Ombudsman noong nakaraang linggo ng mga reklamong graft at malversation laban sa mag-asawang Discaya, gayundin sa walong opisyal at tauhan ng DPWH, dahil sa maanomalyang flood control project sa Calumpit, Bulacan. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com