MARAMI ang nagsasabing dapat ipa-feng-shui ang gusali ng Senado at ‘yung mga senador naman pausukan o isuob para matanggal raw ang kamalasan.
Hindi natin alam kung wasto nga bang tawaging ‘minamalas’ o talaga lang walang delicadeza ang mga nakapuwesto ngayon kahit na marami sa kanila ang mataas ang pinag-aralan habang ‘yung iba naman ay aral nang aral lang pero walang praktika.
Maraming nagtatangkang linawin ang mga kaganapan ngayon sa Senado — pero siyempre may kanya-kanya bersiyon ‘yan.
Mabagsik ang akusasyon ng Cayetano-led group
Nagmamalinis ang ‘Minority Brats’ sa gitna ng tensiyon.
May kasabihan: Kapag magulo sa isang kuwarto madaling magturo ang daliri.
Pero mas madali rin maghugas-kamay at magkunwaring biktima kapag ayaw mong aminin na isa ka sa mga nagkalat.
Isa ito sa mga eksenang makikita sa Senado, na ang tinaguriang ‘Minority Brats’ ay tila may hawak na script nang walang-katapusang pagmamalinis habang ibinabato ang lahat ng sisi sa Majority Bloc.
Pero kung susuriing mabuti ang takbo ng mga pangyayari, mapapailing na lang. Ang lakas magbintangan, pero sila-sila mismo ang may hawak ng mitsa ng tensiyon.
Nang mag-walkout ang Minority Bloc sa plenary, hindi raw nila inabandona ang sesyon, nang gawin ito ng Majority, labag daw sa rules. Kaya sabi ng huli — ang tawag diyan — double standard. Double standard na nga sa tinakbuhang rule, double standard pa rin sa pagka-brat kapag ‘di nakukuha ang gusto.
Sinisi ang Mayorya kung bakit may mahahalagang panukala ang hindi naipasa dahil sa dalawang araw na walang quorum ang sesyon.
Hugas-kamay na naman! Tingnan ito — si Senate President Alan Peter Cayetano ay noong Mayo 11 lamang naging pinuno ng Senado.
Bakit ngayon lang inihahabol na ipasa ang mga panukala sa natitirang ilang araw na lamang ng sesyon? Ang mga nasabing batas ay dapat matagal nang natalakay at naipasa sa ilalim ng liderato ng dating Senate President na si Tito Sotto. Kung mayroon mang mahahalagang batas na naantala, malinaw na pananagutan ito ng nakaraang pamumuno ni Sotto.
Hindi maaliwalas ang klima sa simula ng pamumuno ni Cayetano dahil agad binato ng mga banta ng kaso ang mga miyembro ng Mayorya. Nariyan ang pag-aresto kay Sen. Jinggoy Estrada, at ang mga banta na ipakukulong din sina Sen. Joel Villanueva, Sen. Chiz Escudero, at Sen. Rodante Marcoleta.
Aba, mukhang tama ang suhesityon na ipa-feng-shui ang senado at magpasuob ang mga senador?
Kaya nga raw panay ang salag at depensa ng Mayorya laban sa mga ibinabato ng kanilang mga kritiko.
Ngayon, naantala ba ang trabaho ng Senado? Oo, pero sino ba talaga ang may gawa nito? Ang ‘Minority Brats’ nga ba?
Ang upak ng mayoraya, minorya ang nagpasimula ng pasaring, personal na atake, at patutsadang labas sa paksang tinatalakay. Mas abala sila sa paggawa ng ingay para sa soundbites at social media pubmats kaysa magtrabaho. Sadyang sinusubukan nila ang pasensiya ng mayorya.
Sa mga kumakalat na memes sa social media, kung hindi lang daw Tulfo ang mag-utol na Raffy at Erwin ay gusto na silang ipa-Tulfo ni Cayetano na tinawag niyang ‘attack dogs’.
Inupakan din nina Cayetano si Senator Ping, dahil sa pamamarali na mayroon pang dalawang senador na lilipat ng bangka. Abangan na lang kung sino ‘yan o meron nga ba?
Takot nga ba ang ilang senador na masimulan ang muling imbestigasyon sa flood scam dahil tiyak na mabubunyag ang katotohanan? Kumbaga tuluyang babaliktad ang roleta.
Sabi ng ng grupo ni Cayetano, itaas ang antas ng diskusyon sa loob ng Senado. Tama na ang mabababaw na soundbites na pinagpipiyestahan sa social media para mag-trending. Maging matalino, isyu ang ilatag sa mga debate, hindi personal na pag-atake, hindi sirang aircon, at hindi gawa-gawang kuwento ng pang-aapi. Ang pag-iingay at pagmamalinis ay hindi na epektibo para itago ang sariling mga bahid; sa huli, ang katotohanan pa rin ang mangingibabaw.
At ‘yan ang kaabang-abang sa Lunes.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com