
HATAW News Team
TATLONG Pinoy ang iniulat na nasugatan sa drone strike sa Kuwait International Airport noong 3 Hunyo.
Tiniyak ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac sa pulong balitaan kahapon na walang Pinoy na namatay sa naturang drone strike.
Ani Cacdac, isa sa mga sugatang Pinoy ay nangailangan ng tahi dahil sa sugat sa anit at braso habang ang dalawa pa ay nakalanghap ng usok at nakaranas ng minor lung congestion.
Kaagad naisugod sa pagamutan ang mga Pinoy ngunit nakalabas rin at nakauwi sa kani-kanilang tahanan kung saan sila nagpapagaling.
“No Filipino fatality during the attack… There are three who are injured… One was taken out of the hospital [already] after smoke inhalation, and two were outpatients, na nakalabas na rin,” ayon kay Cacdac.
Batay sa ulat ng Kuwaiti state media, ang pag-atake na naganap noong 3 Hunyo, ay ikinasawi ng isang Indian national at ikinasugat ng 63 indibiduwal, kabilang ang tatlong Pinoy.
Tiniyak ni Cacdac na masusi nang mino-monitor ng kanilang ahensiya ang sitwasyon.
Pinayohan din niya ang lahat ng OFWs sa nasabing bansa na manatili sa loob ng bahay at iwasan ang mga hindi kinakailangang pagbiyahe.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com