LIMANG kalalakihan ang inaresto ng mga awtoridad dahil sa pangmomolestiya sa isang turistang Colombian national, sa Makati City, nitong Linggo.
Sa ulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO), hinuli ang limang suspek, edad 18-24 anyos, batay sa reklamo ng isang 23-anyos lalaking turista, na nanunuluyan sa Bonifacio Global City, Taguig, sa paglabag sa Republic Act 11313 (Safe Spaces Act).
Sa imbestigasyon, nabatid na naglalakad ang biktima sa Kalayaan St., pasado 9:45 ng umaga noong Linggo, 7 Hunyo, nang hawakan siya ng mga suspek at pilit na isinama.
Sa kabila ng pagtanggi ng biktima, puwersahan siyang hinalikan at pinaghahawakan ang maselang bahagi ng katawan, dahilan upang humingi ng saklolo sa nagpapatrolyang mga tauhan ng Makati City Police Station.
Mabilis nagresponde ang pulisya, at dakong 9:45 ng umaga ay naaresto ang mga suspek.
Tiniyak ni NCRPO Director PMGen. Anthony Aberin sa mga dayuhang banyaga na agad reresponde ang pulisya sa panahon ng kanilang pangangailangan.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com