Mahusay na nakabalik sa larangan ng palakasan ang mga Bulakenyong atleta makaraang mangibabaw sa iba pang mga katunggali mula sa ibang probinsiya at hiranging pangkalahatang kampeon sa Central Luzon Regional Athletic Association (CLRAA) Meet na ginanap sa iba’t ibang lugar ng palaruan sa Bulacan noong Abril 23-28, 2023.
Nag-uwi ang mga Bulakenyong kampeon sa antas ng elementarya at sekondarya ng kabuuang 245 medalya – 104 ginto, 68 pilak, at 55 tanso mula sa iba’t ibang kategorya ng palakasan kabilang ang Arnis, Archery, Athletics, Badminton, Baseball, Basketball, Basketball 3×3, Billiards, Chess, Dance sports, Football, Futsal, Men’s Artistic Gymnastics, Women’s Artistic Gymnastics, Rhythmic Gymnastics, Aero Gymnastics, Sipa-Takraw Junior, Sepak Takraw Senior, Softball, Swimming, Table tennis, Taekwondo, Lawn tennis, Volleyball, Wushu, at Paragames.
Kuwalipikado ang mga atletang wagi ng ginto at pilak sa standard individual events na katawanin ang Bulacan para sa Palarong Pambansa na gaganapin sa Hulyo 29 hanggang Agosto 5 sa Marikina City na kinabibilangan ng mga manlalaro ng Chess na sina Elexis Jazz Mendez na nanalo ng gold medal para sa standard team event at silver medal para sa standard individual event, at Vince Duane Pascual na nanalo ng silver medal para sa standard team event at individual events.
Samantala, sasailalim ang basketball secondary for girls and boys at softball secondary girls mula sa Jesus Is Lord Colleges Foundation, Inc. – Bocaue na nag-uwi ng gintong medalya sa pre-qualifying game sa Hulyo 17-21 sa Vigan, Ilocos Sur na kung mananalo ay kakatawanin din ang Bulacan sa Palarong Pambansa.
Binati naman ni Gob. Daniel R. Fernando ang mga kabataang atletang Bulakenyo dahil sa kanilang namumukod-tanging paglahok gayundin sa ipinakita nilang disiplina, dedikasyon at pagtutulungan habang lumalahok sa kumpetisyon.
“Isang malaking karangalan para sa ating probinsya ang pagkakaroon ng masisikap at mahuhusay na mga batang manlalaro na nagpapamalas ng kanilang kakayahan sa iba’t ibang larong pampalakasan, ngunit higit sa lahat ng kanilang mabuting pag-uugali at magalang na pakikisalamuha sa kanila. kapwa atleta. Nawa’y maging inspirasyon sila sa mga susunod na henerasyon ng batang atleta na nagnanais ring maging modelo ng isang talentado at mabuting kabataan,” anang gobernador.
Isinasagawa ang CLRAA alinsunod sa inilabas na Memorandum No. 5, s. 2023 ng Department of Education o ang Conduct of the 2023 Palarong Pambansa na nagtatakda na ang Division Meets at Regional Meet ay isasakatuparan tuwing Pebrero 6-10 at Abril 24-28 ayon sa rekomendasyon ng Palarong Pambansa Secretariat. (Micka Bautista)