ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
ANG sexy actress na si Divine Villareal ay gumaganap na isang nurse sa health advocacy show na “Itanong Natin Kay Dok Larry”. Tampok dito si Doctor Lawrence “Larry” Sambrano, na siyang gaganap bilang Doc Larry.
Ito ay isang informative series na tumatalakay sa usaping pangkalusugan. Ang setting nito ay sa isang barangay health center. Layunin nitong mag-educate sa viewers at makikita rin dito ang mga misconception ukol sa health.
Mula sa pamamahala ni Direk Roman Perez, Jr., napapanood ito sa Facebook, YouTube, at TikTok.
Nalaman namin sa sexy actress na si nurse Gracia ang papel niya rito.
Kuwento ni Divine, “Isa po akong nurse rito na laging kasama po ni Doc Larry. Ang show po ay parang isang short series po, na every episode po ay iba’t ibang kuwento ang mapapanood, pero same character po.”
Dagdag pa niya, “Marami po tayong matututuhan dito about sa mga health at sakit po. At the same time ay maaaliw at matatawa rin po kayo sa mga story.”
Thankful din ang aktres na mabigyan ng ganitong klase ng show.
“Sobrang sarap po sa pakiramdam at sobrang nagpapasalamat po ako kay Doc Larry, pati po kay Direk Roman at sa lahat po ng nasa likod ng project na ‘to dahil sa tiwala na ibinigay nila sa akin,” masayang wika ni Divine.
Saludo rin ang magandang aktres kay Doc Larry sa adbokasiya nito hinggil sa health.
Pakli niya, “Napakabuti pong doctor ni doc Larry, kasi ginawa niya po talaga itong show na ito para marami po tayong matutuhan about sa ating health.”
Bukod kina Doc Larry at Divine, kasama sa cast ng Itanong Natin Kay Dok Larry sina Tabs Sumulong sa papel na Kapitana Lourdes, Jalyn Taboneknek bilang si Aling Tere, Bonn Lentejas as Emman, Anki Gray as Mang Domeng, at ba pa.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com